“Manatili tayong mapanuri at handa na gawin ang ating bahagi sa pagbabantay at pagtatanggol sa kalayaan at kasarinlan ng ating Inang Bayan.”
Ito ang buod ng mensahe ni Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro, ang Kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa sa pakikiisa ng ahensiya sa pag-alaala ng ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Republika ng Pilipinas.
“Sa paggunita ng araw na ito, ating pagnilayan ang mga aral ng ating kasaysayan. Pasalamatan natin ang ating mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para sa ating kasarinlan at pagyamanin ang punla ng kaunlaran at kalayaang atin ngayong tinatamasa,” ani Teodoro.
Paalala pa ng Kalihim kaugnay sa paggunita ng araw ng kasarinlan:”Sa gitna ng panibagong banta sa ating kalayaan at soberanya at ng mga hamon ng modernong panahon, ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa ay inyong maaasahan na mananatiling matatag sa paninindigan sa pambansang karapatan sa ating mga kapuluan at sa pagtitiyak ng ating kinabukasan.”
Kaakibat nito ay ang patuloy na pagpupugay at pagkalinga sa ating mga beterano at sundalo bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at serbisyo sa bayan. Magsilbi nawang inspirasyon ang kanilang kagitingan sa ating Sandatahang Lakas at sa bagong henerasyon ng ating mga bayani,” anang kalihim.
“Ngayon higit kailanman, ating paigtingin ang pagkakaisa ng sambayanan upang iwaksi at pabulaanan ang mga kasinungalingan at maling impormasyon na pinalalaganap ng mga naglalayong tayo ay supilin at magkabaha-bahagi,” dagdag pa nito.
Sa mensahe naman ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr., sinabi nito na:”After years of pledged patriotism and love for country, triumphantly conquering the challenges of nation-building with a resilient and courageous heart, I, along with the men and women of the Armed Forces of the Philippines (AFP), join the entire nation in commemorating the 126th Anniversary of the Proclamation of the Philippine Independence.”
“As one sovereign nation established by the steadfast perseverance of our predecessors, we shall remain resolute in upholding our pledge to public service, loyalty, and solidarity for the country, our people, and the flag. Alongside patriotism, Unity is our strength as we remain committed to building One Strong Philippines for generations to come,” aniya.
Kaakibat ng pagpapanatili ng kapayapaan, kasama ng sambayanang Pilipino ang AFP tungo sa isang progresibo at makabagong bansa, ayon pa kay Brawner.














