Latest News

MENOR DE EDAD, PATAY SA SAKSAK DAHIL UMANO SA PAGPAPAKALAT NG SEX VIDEO

By: Victor Baldemor Ruiz

TADTAD ng saksak at idineklarang ‘dead-on-arrival’ sa pagamutan ang isang 17- anyos na pinagbayad umano ng atraso dahil sa pagpapakalat ng sex video ng isang babaeng estudyante sa Barangay 4, Hinigaran, Negros Occidental.

Ayon sa Hinigaran Municipal Police Station, pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang biktima na isang Grade 12 student dahil sa umano’y pagpapakalat nito ng sex video.

Sa ulat na ibinahagi ni Police Lt. Col. Eduardo Corpuz, hepe ng Hinigaran police, ang 17-anyos na biktima ay pinagsasaksak ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin.

Lulan ng motorsiklo nang nilapitan ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang biktima na kasalukuyang nakaupo sa bangko, ilang metro lamang ang layo mula sa kanilang bahay malapit sa national road.

Nagtamo ang biktima ng dalawang saksak sa dibdib, at tig-iisa sa leeg, kaliwang braso.

Nagawa pa umanong makauwi ng biktima sa kanilang bahay at makahingi ng saklolo sa kanyang pamilya.

Dinala siya sa ospital kung saan idineklara itong patay na nang idating.

Hinala ng kapulisan na isa sa pangunahing motibo ang paghihiganti dahil ang biktima ay inakusahan ng pagpapakalat ng sex video.

Kasalukuyang tinutunton na ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga suspek base sa mga nakuha nilang closed circuit television camera footage ng insidente, habang naghahanap ng mga testigo na makakatulong para matukoy ang dalawang suspek at mahuli.

Tags:

You May Also Like

Most Read