LIBO-LIBONG maralitang Filipino ang nagalak matapos inihayag ng Department of Social Welfare and Development na ibinabalik na nito ang pag-iisyu ng ‘guarantee letters’ para sa mga nangangailangan ng tulong-pinansyal sa pagpapagamot at pagpapalibing.
Kinumpirma ni Undersecretary Ed Punay na ibinalik na ng DSWD ang pagbibigay ng guarantee letter sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.
Una rito ay inanunsyo ni DSWD Asst. Secretary at Spokesperson Irene Dumlao na maari na ulit maka-request ng guarantee letter ang mga nangangailangan ng medical assistance at funeral expenses, subalit kailangan munang siguraduhin lang na kumpleto ang mga kinakailangang papeles at ID, para sa mas mabilis na pag-proseso ng kanilang request.
Nabatid na nitong Disyembre, pansamantalang itinigil ng DSWD ang pamimigay ng guarantee letter, upang bigyang-daan ang annual liquidation.
Samantala, kung nag-resume ang guarantee letter nitong January 2, kasabay naman nito ang pansamantalang pagsuspinde sa provision of outright cash sa ilalim pa rin ng AICS.
Ito’y habang inaantay ang pag-download sa pondo ng ahensya para sa taong 2024 mula naman sa Department of Budget and Management (DBM).
“This is to conform doon sa requirements ng ating financial management service kung saan kailangan natin i-collate ang mga kailangan natin bayaran, kasi of course we have to pay for the services of our service providers, particularly mga hospitals and funeral parlors,” paliwanag pa ni Dumlao .
Ang pagbibigay ng guarantee letters ay nagbalik noong Enero 2 at karaniwan itong ibinibigay sa mga Filipino na nangangailangan ng tulong sa medical at funeral expenses na mahigit sa P10,000.
“Ito’y sa kadahilanang naghihintay din naman ang DSWD ng pag-download ng pondo. Kinakailangan na may notice of cash allocation mula sa DBM bago tayo makapagbigay ng cash sa ating mga kababayan,” ani Dumlao.
Ang outright cash assistance ay karaniwang ibinibigay sa mga nangangailangan ng mas mababa sa P10,000 tulong.