ISANG video na nagpapakitang nagalit ang bagong hepe ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) na si Jay dela Fuente sa harapan ng mga biktima ng baha sa Maynila ang kumalat sa social media ngunit ito ay ikinaila ng MDSW chief na sa halip ay isinisi ang insidente sa umano ay pekeng announcement ng chairman doon na magbibigay ng ayuda ang local government.
Ang mga residente ay mula sa Barangay 20 ng Tondo at sa nasabing video, sinabi ni Dela Fuente na, “Wala kaming ibibigay sa inyo” kasabay ng anunsiyo na dapat ay wala nang tao sa nasabing center pagsapit ng ala-1 ng hapon dahil wala nang high tide.
‘Lalabas na po tayo. Tapos na po. Wala po kaming ibibigay sa inyo pakiusap lang. Nasan na ‘yung mga kapulisan natin?” pahayag pa ni Dela Fuente.
“Kumain na ba to? Kumain na pala kayo eh. Tapos na po.Meron kaming mas malaking problema sa Smokey Mountain. Meron dung landslide pakiusap lang ha gagabayan kayo ng mga social worker. Wala kaming ibibigay sa inyo nakakain na kayo ang pakiusap ko lang lumabas na tayo, Sige po, labas na po labas na tayo,” dagdag pa niya.
Sa kanyang panig, pinaliwanag naman ni Dela Fuente na hindi siya nagalit at kinailangan lamang umano niyang lakasan ang boses niya dahil maraming tao sa loob.
Ayon pa kay Dela Fuente, nagsabi lamang siya na walang ibibigay matapos makatanggap ng ulat na ang barangay chairman sa nasabing lugar ay nag-anunsiyo na may ipamimigay na pinansiyal na tulong gayung wala namang ganoon.
Aniya, ito ay ‘fake news’ at isang pakikialam sa trabaho ng MDSW at naging dahilan din upang lumobo ang mga evacuess ng hanggang 400 katao na pawang dumagsa sa lugar dahil sa fmaling balita na may ipamimigay na ayuda.
Nabatid na ang binibigyan lamang ng tulong pinansiyal ay yaong mga nasunugan o grabeng naapektuhan ng bagyo.
Paiimbestigahan rin umano ni Dela Fuente ang nasabing chairman na nagpakalat na may ipamimigay na ayuda.














