Latest News

Mayroong “Catholic vote”

NANINIWALA si Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Bro. Raymond Daniel Cruz, Jr. na mayroong “Catholic vote” kung magkakaisa lamang ang lahat ng mga Kristiyano’t Katoliko na bumoto para sa common good o sa ikabubuti ng mas nakararami. Mayorya ng Pilipino ay Katoliko.

Ayon kay Cruz, ang pagkakaisa ng mga Kristiyano’t Katoliko sa pagboto ng mga kandidato na naaayon sa panlipunang turo ng Simbahan ay maituturing na Catholic Vote.


Ipinaliwanag ni Cruz na ang mga laiko ang kinakailangang manguna sa pagsunod at pagtugon sa isinusulong ng Simbahan na mga Social Doctrine of the Church bilang pamantayan sa pagsusuri ng kandidato sa nakatakdang halalan sa bansa.

“Ako po naniniwala na mayroong Catholic Vote kung ang pinag-uusapan natin dito ay yung common good at saka yung advancement of peoples through holistic and orchestrated lay initiated campaigns.”pahayag ni Cruz

Nanawagan rin si Cruz sa mga grupo at organisasyon ng mga laiko sa buong bansa upang pangunahan ang pagkakaroon ng mga inisyatibo sa pagpapalaganap ng maka-Diyos na pakikisangkot sa kabuuang proseso ng halalan sa bansa.


Kabilang sa tinukoy ni Cruz ay ang pag-oorganisa ng mga gawain na magsusulong hindi lamang ng pananalangin at pagninilay sa pagpili ng kandidatong ihahalal kundi maging pakikisangkot sa pagtiyak ng kaayusan at katapatan ng kabuuang proseso ng halalan.

“Nananawagan po kami para sa isang orchestrated lay initiated campaigns para po ibigay natin yung Catholic Vote natin sa ating mga kababayan naniniwala po ako diyan, kasama po ng panalangin, kasama po ng pagkilos na mayroon po tayong maidi-deliver at maniwala po kayo, mayroon po tayong maidi-deliver sa Catholic Vote,” dagdag pa ni Cruz.


Ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang nagsisilbing implementing-arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine – Episcopal Commission on the Laity na binubuo ng higit sa 50 organisasyon ng Simbahan at Council of the Laity mula sa may 86-na diyosesis sa buong bansa na kasalukuyang pinamumunuan ni Tarlac Bishop Enrique Macaraeg.
Samantala, nanawagan si Rev. Fr. Jayson Siapco, Director ng Lipa Archdiocesan Social Action Center o LASAC sa publiko na igalang ang desisyon ng kapwa sa kanilang mga sinusuportahang kandidato.

Ayon kay Fr. Siapco, nakakalungkot ang nanaganap na awayan at kawalan ng pagrespeto ng ilan dahil sa pagkakaiba ng pananaw sa pulitika.


Aminado ang Pari na ang mahalaga ay pairalin ang ating konsensya at paninindigan sa pipiliing mamumuno sa bayan at hindi ito dapat pagmulan ng alitan sa pagitan ng kapwa tao.

“Ang laging panawagan natin bumoto ka sang-ayon sa iyong paninindigan, sa iyong konsensya, igalang natin ang paninindigan ng iba, igalang natin ang konsensya ng iba kung hindi kayo magkapareho tanggapin natin ang katotohanan hindi kayo magkapareho pero igalang natin ang isa’t-isa.” Mensahe ni Fr. Siapco.

Umapela din ang Pari sa mga kandidato na magkaroon ng paninindigan sa kanilang mga plataporma.



Inihayag ng Pari na ilan sa mga nahahalal na opisyal ng pamahalaan ang nagbibigay ng mga huwad na pangako at plataporma at nagbabago ang lahat ng ito sa oras na sila ay mahalal na.

“Ngayon pa lang kampanyahan maging kumbinsido na kayo sa inyong paninindigan, mahirap yun iba ang standards mo ngayon, [pero] pagdating nang nakaluklok ka na iba na ang paninindigan natin” giit pa ng Pari.

Naniniwala si Fr. Siapco na ang simula ng tunay na pagbabago ay dapat simulan sa ating mga sarili ikaw man ay isang botante o isang kandidato.

“Lagi ko sinasabi sa simula ng mga voters education natin na change starts with me, Kung ako ay magbabago, ikaw ay magbabago, ang Pulitiko ay magbabago, hindi natin kailangan ng malaking sistema na magbabantay sa lahat. Kung maganda ang komunidad eh di tayo ay magiging maayos ang pamumuhay gayun din ang pamamahala o panunungkulan” paliwanag ng Pari.

Batay sa datos ng Commission on Election, tinatayang aabot sa mahigit 65.7 milyong Pilipino ang rehistradong bumoto ngayong darating na May 2022 National Election.

Ang lalawigan ng Batangas ang ika-pito sa maituturing na vote rich provinces sa Pilipinas matapos na magtaglay ng mahigit sa 1.8 milyong botante ngayong darating na halalan. (Jaymel Manuel)

Tags: Jr., Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Bro. Raymond Daniel Cruz

You May Also Like

Most Read