PINANGUNAHAN nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang lungsod ng Maynila sa paggunita ng National Flag Day, na isinagawa sa pamamagitan ng isang flag-raising ceremony sa makasaysayang Kartilya ng Katipunan Miyerkules ng umaga, May 28, 2025.
“Nakiisa ang Pamahalaang-Lungsod ng Maynila sa pagdiriwang ng Araw ng Watawat ngayong ika-28 ng Mayo 2025 sa Kartilya ng Katipunan.Let us honor the symbol of our unity, courage and love for country,” pahayag ni Lacuna.
Ang alkalde at bise alkalde ay sinamahan sa nasabing selebrasyon ng mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan, gayundin ng mga kinatawan ng iba’t-ibang organisasyon sa lungsod.
Sa pamamagitan ng National Flag Day sa bansa na ipinagdiriwang tuwing ika-28 ng Mayo ginugunita ng bansa ang unang pagkakataong ginamit ang kasalukuyang watawat ng Pilipinas matapos ang tagumpay sa Battle of Alapan noong 1898.
Ang nasabing sagupaan ay sa pagitan ng mga rebolusyonaryong Pilipino sa pamumuno ni Emilio Aguinaldo at ng mga sundalong Kastila. Nang matalo ang pwersa ng mga Kastila ay muling nabawi ng mga rebolusyunaryo ang probinsya ng Cavite.
Nang matapos na ang laban, pumasok si Aguinaldo sa Cavite City at iwinagayway ang pambansang watawat sa kauna-unahang pagkakataon. Ang kasalukuyang pambansang watawat ay nilikha ni Aguinaldo noong 1897.
Simula noon, ang National Flag Day sa Pilipinas ay ginugunita sa pamamagitan ng pagtaas ng bandila at ito ay permanenteng idini-display mula May 28 hanggang June 12 (Independence Day) sa lahat ng tanggapan, ahensya, negosyo, educational institutions at maging mga pribadong tahanan.
Sa kasalukuyan, ang Araw ng Watawat ay pinapalawig hanggang June 30 upang ipagdiwang ang kalayaan ng bansa at itaguyod ang pagmamahal sa bayan.














