Latest News

Peoples Tonight Online

MAYOR HONEY, SENIOR CITIZEN NA SA MAYO 6 — WALANG TUNAY NA MAGMAMALASAKIT SA SENIORS KUNDI KAPWA SENIOR

By: Bernie Ang

Sa darating na Mayo 6, magdiriwang ang ating minamahal na alkaldeng si Dra. Mayor Honey Lacuna ng kanyang kaarawan. Sa araw na ‘yan, siya ay magiging 60 anyos na. Magiging kahanay na din siya ng mga senior citizens sa lungsod na kagaya ng inyong lingkod.

Bukod sa pinalaki si Mayor Honey sa isang matinong tahanan na nagbigay sa kanya ng matibay na pundasyon upang lumaki bilang mabuting tao na may tunay na takot at paniniwala sa Diyos, pinalaki din ito na may paggalang sa kapwa, lalo na sa kulturang ang babae ay iginagalang ng mga kalalakihan.

Ang kanyang ama na si dating Vice Mayor Danny Lacuna ay isang abogado habang ang kanyang ina na si Inday ay opisyal naman ng bangko at sa kanyang pag-aaral hanggang sa maging isang ganap na doktora, baon ni Mayor Honey ang mga pangaral ng mga magulang na maging mabuting tao, tapat at totoo sa lahat ng oras at magkaroon ng mabuting asal, integridad at dangal, kaya naman kahit kelan ay di niya naging ugali ang maging mapagpanggap at maging sinungaling sa kapwa.


Lumaki din si Mayor Honey sa kultura ng pagbibigay-galang at halaga sa mga nakatatanda kaya naman ganun na lamang ang kanyang pag-aalaga sa mga senior citizens ng Maynila.

Sa totoo lang, kung walang binubunong P17.8 bilyong utang ang Maynila na iniwan ng pinalitan niyang si Isko Moreno, matagal na sanang nadoble ang buwanang ayuda ng mga senior citizens at baka higit pa. Sa kabila ng P100 milyon kada buwan ang kinakailangang ilaan ng pamahalaang-lungsod pambayad unti-unti sa utang na iniwan sa kanya, nagawa pa din ni Mayor Honey na doblehin ang dating P500 na buwanang senior allowance kaya ito ngayon ay P1,000 na kada buwan.


Nagawa din ng pamahalaang Lacuna na isama ang minors with disability (MWDs) sa benepisyong buwanang ibinibigay sa mga persons with disability (PWDs), bukod pa sa pagbibigay ng P2,000 na cash gift sa mga nagtatapos ng kolehiyo sa lungsod.

Bunsod ng masinop na pamamahala sa kaban ng lungsod kaya nagawa ni Mayor Honey na masungkit para sa Maynila ang Seal of Good Local Governance o SGLG para sa lungsod. Kauna-unahan ito para sa Maynila, sa loob ng 455 taon nito.


At dahil nga magiging senior citizen na din si Mayor Honey sa darating na Mayo 6, siguradong mas dama at alam nito ang mga pangangailangan ng senior citizens at sigurado din na tunay ang malasakit na maaasahan dito, dahil kasama siya sa sektor na ito at isa rin siyang doktora, na alam ang mga problema sa kalusugan ng mga senior citizens na dapat bigyan ng kaukulang atensiyon.

Gaya ng sinabi niy Mayor Honey sa kanyang proclamation rally, hindi lata ng gatas ang kailangan ng mga senior citizen kundi benepisyo. Kaya nga nung siya pa ang Vice Mayor, bilang Presiding Officer ng Manila City Council ay trinabaho niya talaga na maipasa ng konseho ang social amelioration program na siyang naging batayan ng pagbibigay ng buwanang pinansiyal na tulong sa mga senior citizens, solo parents, university students at PWDs na ngayon pati MWDs ay kasama na din.

Pinadali din ni Mayor Honey ang napakahirap na pagkuha ng ayuda gamit ang PayMaya. Alam naman natin na kapag senior citizen, hindi bihasa sa makabagong teknolohiya pagkatapos idadaan mo ang ayuda sa ATM? Bukod sa wala namang ATM sa bawat sulok ng Maynila at dahil diyan ay kailangan pang magbiyahe at maghatak ng kasama ang senior citizen para lang makahanap ng ATM, marami din ang hindi matutunan paano ito gamitin. Madami din ang nakakalimutan ang kanilang PIN number o nawawala mismo ang ATM card dala nga ng edad.

Ang ginawa ni Mayor Honey, nakinig sa daing ng senior citizens at sa tulong ng OSCA chief naming si Elinor Jacinto, ang pagbibigay ng ayuda ay ginawang mano-mano, kung saan ang pamimigay ng ayuda ay sa mga barangay idinaan. Pupunta lang ang senior citizen sa barangay niya, makukuha na niya ang kanyang allowance. Ganung kadali lamang.

Batid din ni Mayor Honey ang pinagdaraanan ng mga senior citizens na ang pakiramdam ay wala na silang silbi sa buhay, kaya tuloy-tuloy ang programang pagbibigay ng trabaho sa kanila para bukod sa sila ay mayroon nang pagkaka-abalahan ay kumikita pa sila ng pera na maari nilang magamit para sa kanilang personal na pangangailangan o di kaya ay maiuwi sa kanilang pamilya.

Sa kanyang ikalawang termino, marami pang programang nakapila si Mayor Honey para sa mga senior citizens ng Maynila kung saan, pagdating ng panahong iyon, ay kabilang na din siya.

Tandaan: walang ibang makakaunawa at tunay na magmamalasakit sa ating senior citizens kundi isang kapwa din senior citizen. ‘Yung mga tumatawag sa atin ng “mga lolo ko, mga lola ko,” kaplastikan lang ‘yun. Pinahirap nga ang pagkuha ng ayuda na inilagak lahat sa ATM na di naman alam gamitin ng senior citizens.

Hanggang ngayon ay nakatali ang di bababa sa P48 milyon na pondong inilagak ng nakalipas na administrasyon sa PayMaya. Ang pondong ito ay bumubuo sa buwanang ayuda ng senior citizens na hindi nakatanggap ng kanilang allowances na idinaan nga sa ATM at habang isinusulat ang column na ito ay patuloy pa ding inilalaban ng kasalukuyang administrasyon na mabawi ito upang pakinabangan naman ng senior citizens dahil para sa kanila talaga ang pondong ‘yan.

Tags: bernie ang, vantage point

You May Also Like

Most Read