Latest News

Mainit na sinalubong si Mayor Honey Lacuna ng mga residente sa kanyang kampanya, habang itinanghal siyang 'third most trusted leader' sa Metro Manila.(JERRY S. TAN)

MAYOR HONEY, IKATLO SA PINAKA-PINAGKAKATIWALAANG LIDER SA METRO MANILA, AYON SA SURVEY

By: Jerry S. Tan

Itinanghal si Manila Mayor Honey Lacuna bilang ikatlo sa listahan ng mga pinaka-pinagkakatiwalaang lider sa buong Metro Manila, batay sa pinakahuling survey na isinagawa ng Tangere mula April 2 hanggang April 4, 2025.

Kasama ni Lacuna sa top three ng listahan sina Pasig Mayor Vico Sotto na nanguna sa 95 percent satisfaction at trust ratings, na sinundan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na may 81 percent satisfaction at 82 percent trust rating.

Malapit na ikatlo si Lacuna na nakakuha ng 80 percent satisfaction at 81 percent trust ratings, na ayon sa ulat ay ibinatay sa kanyang mga naitatag na repormang pangkalusugan, pagpapakalat ng libreng dialysis treatment at maghapon at magdamag na serbisyong pang-emergency sa buong lungsod.


“This is such a welcome development. We will use this piece of good news as an inspiration to continue delivering the best kind of services that Manila residents deserve and improve even further in our next term.” pahayag ni Lacuna. kasabay ng pagpapasalamat sa Tangere para sa nasabing survey.

Ani Lacuna, gagamitin niya ang pagkilala bilang inspirasyon upang ipagpatuloy ang pagbibigay ng pinakamaigeng serbisyo sa mga residente ng Maynila dahil ito umano ang nararapat para sa kanila, kasabay ng pagtitiyak na palalawigin at pagagandahin pa ito sa susunod niyang termino.


Binigyang kredito ni Lacuna ang mga kasamahan niyang lingkod-bayan sa Manila City Hall na aniya ay tuloy-tuloy ang pagtulong sa kanyang administrasyon, dahilan upang makakuha ang pamahalaang-lokal ng napakaraming parangal at pagkilala.

Ang pagiging pangatlong pinaka-pinagkakatiwalaang lider sa Metro Manila na iginawad kay Lacuna ay halos kasunod lamang ng paggawad naman ng Seal of Good Local Governance (SGLG) ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa administrasyon ni Lacuna.


Dahil diyan, hindi lamang gumawa ng kasaysayan si Lacuna bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila, kungdi siya ay nakapagtala din ng rekord bilang tangi at kauna-unahang alkalde na tumanggap ng SGLG sa loob ng mahigit 450 taong kasaysayan ng lungsod ng Maynila.

Ang tatlong nangungunang alkalde ay sinundan sa survey nina San Juan Mayor Francis Zamora, Muntinlupa Mayor Rufino Biazon, Taguig Mayor Lani Cayetano, Valenzuela Mayor Wes Gatchalian, Makati Mayor Abby Binay, Pateros Mayor Miguel Ponce III at Caloocan Mayor Along Malapitan.

Napag-alaman na ang “transparency and accountability” ay “non-negotiable” sa mga mamamayan, habang ang katiwalian at pagiging inutil sa trabaho o sa posisyon ay may kaakibat na negatibong epekto sa isang pulitiko.

Itinampok din sa survey ang ilang kritikal na uso at siyang nagpapabago sa mukha ng pulitika sa Metro Manila, kung saan ang mga botante ay mas prayoridad ang mahusay na pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo kesa sa ‘political pedigree’ o kasikatan ng angkan.

Malaking bagay din para sa mga botante ang palakad ukol sa infrastructure, traffic management at waste disposal.

Ang nasabing survey ay gumamit ng mobile application sa mga respondents sa 17 local government units sa Metro Manila. Ang margin of error ay nasa ±2.13 percent, habang ang confidence level ay nasa 95 percent naman.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read