Patuloy ang pagsirit ng ratings ni Manila Mayor Honey Lacuna sa gitna ng walang humpay na paninira laban sa kanya at tiyak na tuloy-tuloy na ito hanggang sa kanyang panalo sa darating na Mayo 12.
Bago niyan ay lumabas sa survey ng Tangere na ikatlo si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga pinaka-pinagkakatiwalaang lider sa buong Metro Manila, mula sa hanay ng mga alkalde. Ito ay lehitimong survey dahil walang kinalaman si Mayor Honey dito at sa at paglabas ng resulta nito.
Di ito gaya ng mga survey na kino-commission o binabayaran. At siyempre, dahil binayaran, ang resulta ay natural na pabor sa nagbayad. Kumbaga, niloloko lang ng nagpapa-survey ang sarili niya at pagkatapos, ipo-post sa social media para makapanloko naman ng mga botante.
Sa pinakahuling survey na isinagawa ng Tangere ngayong Abril ay pumangatlo si Mayor Honey kina Pasig Mayor Vico Sotto na nakakuha ng 95 percent satisfaction at trust ratings at Quezon City Mayor Joy Belmonte na may 81 percent satisfaction at 82 percent trust rating.
Bagamat pangatlo, dikit naman ang ratings na nakuha ni Mayor Honey kay Belmonte, na 80 percent satisfaction rating at 81 percent trust rating.
Ang mataas na ratings ni Mayor Honey ay base sa kanyang mga naitatag na repormang pangkalusugan, pagpapakalat ng libreng dialysis treatment at maghapon at magdamag na serbisyong pang-emergency sa buong lungsod. Binigyang-diin din sa survey na pabor ang mga mamamayan sa mga alkalde na nagpapakita ng katapatan at pananagutan sa kanilang mga kilos.
Di gaya ng iba na sinosolo ang kredito, buong pagpapakumbabang sinabi ni Mayor Honey na pinasasalamatan niya lahat ng opisyal at kawani ng Manila City Hall na aniya ay tuloy-tuloy ang pagtulong sa kanyang administrasyon, dahilan upang makakuha ang pamahalaang-lokal ng napakaraming parangal at pagkilala kasama na nga ang mataas na ratings sa Tangere.
Gagamitin umano niya ang pagkilala bilang inspirasyon upang ipagpatuloy ang pagbibigay ng pinakamabuting serbisyo sa mga residente ng Maynila, dahil para sa kanya, nararapat para sa kanila, kasabay ng pagtitiyak na palalawigin at pagagandahin pa ito sa susunod niyang termino.
Sinundan nito ang paggawad sa administrasyon ni Mayor Honey ng kauna-unahang Seal of Good Local Governance (SGLG) sa buong kasaysayan ng Maynila na sinumang mayor ng lungsod ay hindi nakakuha.
Hindi lamang gumawa ng kasaysayan si Lacuna bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila, kungdi siya ay nakapagtala din ng rekord bilang tangi at kauna-unahang alkalde na tumanggap ng SGLG. Ang pagkilalang ito ay hindi ibibigay kay Mayor Honey kung hindi siya nakitaan ng galing sa pamamahala sa lungsod, lalo na sa paghawak ng pondo ng bayan, kahit pa P17.8 bilyon ang iniwan sa kanyang utang ni Isko Moreno.
Nakita ang kagalingan ni Mayor Honey sa pagsinop ng pondo ng lungsod para makapagpatupad ng mga programa lalo na para sa mahihirap, senior citizens. mga mag-aaral, solo parents, PWDs at iba pa. Lagay na ‘yan ay nagawa pa niyang makapagbayad ng P3.2 bilyon para sa utang na iniwan ni Isko.
Lumalabas nga pala na sa utang na iniwan ni Isko, bawat isang taga-Maynila ay may pagkakautang na P9,639.79. Kasama na riyan ang mga nasa sinapupunan pa lang hanggang sa pinakamatatandang residente ng Maynila.
Nitong kamakailan lang ay sumirit na pataas si Mayor Honey sa mga lehitimong survey habang si Isko na nagsimula sa napakataas nang mga panahong di pa nagde-deklara si Mayor Honey na tatakbong muli, ay patuloy naman sa pagsirit pababa. Ganun naman talaga ‘yun. Pag ikaw ay nasa itaas, wala ka namang ibang pupuntahan talaga kundi pababa.
Habang lumalalim ang kampanyahan, nakikita rin ng mga taga-Maynila na ang tanging namumutawi si bibig ni Isko ay paninira kay Mayora Honey at pati sa pamilya at mga kaalyado nito sa Asenso Manileno, imbes na kongkretong programa para sa mga residente.
‘Yan ang isa sa mga dahilan kung bakit tuloy-tuloy ang pagbaba ng kanyang ratings. Habang walang tigil siya sa paninira, wala ring tigil ang pagsirit niya pababa.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.