MAYON VOLCANO ERUPTION, FAKE NEWS

By: Victor Baldemor Ruiz

AGAD na nagsagawa ng paglilinaw ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ‘fake news’ ang kumalat na report na pagsabog ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay sakop ng Bicol Region.

Ayon sa Phivolcs, hindi totoo ang kumalat na online na post na nagsasabing sumabog ang Bulkang Mayon kasabay ng panawagan sa mga netizen na maging mapanuri at huwag ikalat ang maling impormasyon.


Nanawagan din ang ahensya na i-report at tumulong na mapigilan ang pagkalat ng naturang “click-bait post”.

Sa ginawang paglilinaw, wala umanong pagsabog na naganap kamakalawa sa nasabing bulkan na kasalukuyang nasa alert level 1 lamang, kaya inabisuhan ng Phivolcs ang publiko na huwag magpapakalat ng misleading posts na maaaring magdulot ng kalituhan at takot sa isipan ng mga kababayan natin.

Panawagan ng ahensya, na i-validate muna ang mga nakakalap na balita o social media post mula sa mapagkakatiwalaang sources bago ito i-share.


Kahapon ay inihayag ng Phivolcs na base sa kanilang monitoring sa aktibidad ng Mt. Mayon, nakapagtala sila ng isang volcanic earthquake at isang rockfall event na may mahinang banaag o crater glow na naaaninag lamang gamit ang telescope.

Nananatili namang nakataas ang Alert level 1 o low-level unrest sa bulkan simula noong Marso 5 kayat pinapayuhan ang publiko na bawal pumasok sa permanent danger zone dahil sa banta ng rockfalls, sudden steam-driven o phreatic eruption.


Tags: Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs)

You May Also Like

Most Read