MAY 10 abandonadong parcel na naglalaman ng iligal na droga na nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa P15 milyon at nagmula umano sa iba’t-ibang bansa ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs at NAIA PDEA-IADITG sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Domestic Road sa Pasay City.
Sa ulat na tinanggap ni Bureau of Custom- NAIA district collector Yasmin Mapa, napag-alaman na unang natagpuan ang limang abandonadong parcel na naglalaman ng halos 544ml liquid marijuana na itinatayang may street value na aabot sa P32,640.
Bukod ito sa lima pang parcel na abandonado rin at naglalaman ng 8,446 piraso ng ecstasy tablets at 924 grams ng raw materials na may street value na aabot sa P14,358,200 ang halaga.
Ang mga naturang parcel na naglalaman ng liquid marijuana ay nagmula sa mga bansa ng Taipei Taiwan, Ireland at Malaysia at naka-consign sa mga taong nakatira sa mga lalawigan ng Dumaguete, Talisay City, Zamboanga City, Misamis Oriental at Loyola Heights sa Quezon City.
Ang limang parcel naman na naglalaman ng ecstasy tablets ay nagmula sa mga bansang tulad ng France, Amsterdam at Netherlands.
Naka-consign umano ang mga ito sa magkakaibang indibidwal mula Caloocan City, Laging Handa Villaruel Street, Metro Manila at Molino 6 sa Bacoor, Cavite.
Ang mga naturang illegal drugs ay pormal nang nai-turnover ng Bureau of Customs sa NAIA PDEA-IADITG para sa tamang disposal ng mga ito.














