Sa serye ng mga pangyayari sa NAIA, parang gusto ko nang maghinala na may kamay na gumagalaw para matanggal si General Manager Cesar Chiong.
Nauna na diyan ang nangyaring aberya noong January 1. Bagong taon na bagong taon nang magkaroon ng’technical glitch’ na naging sanhi ng kanselasyon ng maraming flights.
Ngayon naman, Labor Day o May 1 nang magkaroon ng ‘power outage’ sa NAIA Terminal 3 na naging dahilan din ng pagkabalam ng ilang flights.
Tapos ilang araw mula niyan, lumabas naman ang balitang nag-order ang Office of the Ombudsman na ilagay sa ‘preventive suspension’ si Chiong sa loob ng anim na buwan.
‘Yan ay matapos na magkaroon ng isang “anonymous complaint” na isinampa laban kay Chiong dahil daw sa ‘grave abuse of authority’ na nag-uugat naman sa ginawa nitong pagre-reassign ng mga tao sa MIAA.
Ayon kay Bautista, karapatan ni Chiong na mag-reassign ng mga empleyado bilang hepe ng MIAA.
“Tama, para naman maging mas efficient yung operations ng airport, kaya nga nagulat nga kami na nagkaroon ng ganitong kaso, wala naman kaming alam na complaint ini-file ng kung sino man. But apparently may isang anonymous group na nag-file ng case,” ani Bautista.
Binigyang-diin din ni Bautista ang mahalagang naging papel ni Chiong sa pagsasaayos ng operations at proseso ng mga pasahero at flights sa lahat ng terminal sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“Yun pong kanyang team ang nag-iisip kung ano-ano ba yung mga best practice na dapat gawin natin… Ito yung ginagawa ng mga other countries. Pinag-aaralan natin yan in terms of customer service, in terms of safety and security, yun po ang importante kasi eh, in terms of making the facilities accessible,” dagdag pa ni Bautista.
Itinalaga naman ni Sec. Bautista si MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co bilang officer-in-charge ng nasabing ahensiya.
Tinitiyak naman ni Co na habang wala si Chiong sa NAIA ay itutuloy lamang niya ang mga programang inumpisahan ng DOTr at MIAA.
Kailangan aniya na masiguradong matutuloy lahat ng nasimulan na ni Chiong sa pagpapaganda ng operasyon ng NAIA terminals na siyang mga pangunahing airport terminal sa ating bansa.
“We need to make sure that we continue our path towards improving NAIA and our service to our passengers and airport stakeholders,” pahayag ni Co.
Sa itinatakbo ng mga pangyayari sa MIAA at sa NAIA, tila may kamay na gumagalaw para masira ang panunungkulan ni Chiong na mismong si Sec. Bautista ang pumili dahil aniya, sigurado siyang hindi magnanakaw sa pwesto si Chiong.
Sino ba ang pupuwedeng makinabang pag nawala si GM Chiong sa puwesto? Nagtatanong lang po.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.