NANINDIGAN si Senador Nancy Binay na dapat may managot kaugnay sa kontrobersyal na “Love The Philippines” campaign video ng Department of Tourism matapos madiskubre na “stock videos” ang ginamit sa ilang bahagi ng naturang video ng ahensya.
“It is unfortunate that the initial salvo of DOT’s new campaign suffered a major setback. This is not the first time that DOT and its agencies drew flak from netizens because of some creative lapses,” wika ni Binay, chairman ng Senate tourism committee sa isang pahayag.
“Dapat may accountability dahil pera ng taumbayan ang ginagastos ng DOT para bayaran ang mga ad agencies,” saad ng senadora.
“Di nga ba we are supposed to show authenticity? Ang ganitong mga promotional anomaly directly affects the travelers’ decisions, and at the same time portrays a negative image of how we promote our destinations,” ayon pa kay Binay.
Aniya, hindi dapat nagpapabaya ang DOT sa ganitong multi-milyong pisong kampanya.
“Sa ngayon, may bahid na ng pagdududa kung anuman ang susunod na TV ad o promotional material ng DOT. At tila masamang pangitain ito dahil mukhang di pa rin po tayo natututo sa mga nakaraang nangyari dala ng hindi original logo, slogan, design o video clip,” punto ni Binay.
“The paramount task is to ensure that there will be no pause in promoting our destinations despite the snag. Baka pwede pa naman ibalik si ‘Fun’ dahil sa problema ni ‘Love’ ngayon,” hirit pa niya
Samantala, inihayag ni Senador Sonny Angara na dapat ay ulitin na buo ang “Love the Philippines” promotional video.
Ayon kay Angara makatuwiran lang na baguhin ang video dahil ginastusan ito ng gobyerno ng P49 milyon para sa bagong tourism slogan.
“They should at the very least redo the campaign video. Parang nalugi ang gobyerno. Dapat may konting pride tayo sa ating trabaho especially if we are selling and marketing the Philippines,” punto senador.
Una nang inamin at humingi ng paumanhin ang DDB Philippines, ang ad agency na gumawa at nagpalabas ng naturang promotional video, sa paggamit ng “stock footages” mula saThailand, Indonesia, at United Arab Emirates.
Nilinaw din ng ahensya na walang kinalaman ang kagawaran sa naturang kontrobersyal na video. (Mark Alfonso)














