PINAYUHAN ng Department of Health (DOH) ang mga botante na dadapuan ng COVID-19 at may sakit pa sa araw ng eleksyon sa Mayo 9 na manatili na lamang sa ‘isolation’ o sa kanilang bahay upang hindi na makahawa pa ng iba.
Nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III na labag sa polisiya ng pamahalaan sa quarantine at isolation ang pagpayag na makaboto ang mga dinapuan ng COVID-19.
“Lagi naman nating sinasabi na ang policy natin, to isolate kung meron kang symptoms, so salungat yan sa ating policy na hindi, kahit may symptoms pwedeng bumoto,” paliwanag ni Duque.
“By and large, ang posisyon ko d’yan, kapag meron nang sakit, ‘wag nang lumabas, kasi makapanghahawa pa tayo, eh mahirap na.”
Ito ay makaraang ihayag ng Commission on Elections na maglalagay sila ng hiwalay na ‘polling area’ para sa mga botante na makikitaan ng sintomas ng COVID-19 sa araw ng halalan.
Patuloy na ipatutupad ng DOH ang ‘alert level system’ habang maaari namang suspindihin ang halalan sa mga lugar na makikitaan na malaking pagtaas ng kaso ng COVID-19. (Carl Angelo)