MAXIMUM TOLERANCE SA MGA RALIYISTA, ORDER NI GEN. DANAO

MAXIMUM tolerance sa hanay ng mga ralyista ang ibinabang mandato ni PNP Officer-in-Charge Police LTGen. Vicente Danao, Jr., sa mga pulis na ide-deploy sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Bongbong Romualdez Marcos, Jr., sa Lunes.

Gayunman, nilinaw ng pamunuan ng PNP na hindi magdadalawang isip ang kapulisan na arestuhin ang mga pasaway na raliyista sa oras na magsimula silang maging bayolente sa kanilang kilos protesta na inaasahang isasabay sa unang SONA ni Pangulong BBM.


Sa ginanap na press conference sa Kampo Krame, iginiit ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na tanging sa mga designated freedom parks lamag pahihintulutan ang mga raliyista na magsagawa ng kanilang pagpapahayag.

Magugunitang idineklara ng PNP na no-rally zone ang kahabaan ng Commonwealth Avenue kaya tanging sa mga designated freedom park lamang pinapayagan ang mga magsasagawa ng pagkilos particular sa hanay ng mga militanteng grupo.

Nilinaw ni Col. Fajardo na hindi nila papahintulutang makalapit ng Batasang Pambansa ang iba’t- ibang militanteng grupo kung kaya’t nagpapatuloy ang kanilang diyalogo sa mga lider nito.


Kasunod nito, nanawagan ang PNP sa mga raliyista na mapayapang idaos ang kanilang mga pagkilos sa SONA ni PBBM.

Una nang kinumpirma ng grupong Bayan at ng iba pang makakaliwang grupo na magtitipon-tipon sila sa Hulyo 25 upang ipahayag ang pagkadismaya sa pagkakaluklok sa pwesto ni PBBM.


Samantala, nakapagpadala na ang Kamara ng imbitasyon sa 1,300 mga bisita tulad ng mga dating presidente at bise presidente, mga mahistrado, diplomats, matataas na opisyal ng pamahalaan at iba pa.

Ngayong linggo, inaasahang minor meetings na lamang ang isasagawa ng Task Force para sa SONA, habang sa darating na Biyernes ay naka-lockdown na ang Batasang Pambansa. (VICTOR BALDEMOR)


Tags: Jr., PNP Officer-in-Charge Police LTGen. Vicente Danao

You May Also Like