CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Nasamsam ng pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya ang mga matataas na kalibre ng baril sa inilatag na law enforcement support operation laban sa walong mga suspek sa Brgy Tabungao, Radjah Buayan, Maguindanao Del Sur.
Ayon kay Lt. Col. Udgie Villan, ang pinuno ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion, ang operasyon ay isinagawa katuwang ang elemento ng Radjah Buayan MPS at iba pang operating units ng militar.
Bitbit ang warrant of arrest buhat sa lokal na korte ay isisilbi sana ng mga otoridad madaling araw kahapon (July 26, 2023) ang nasabing kautusan ng korte laban sa mga wanted na kasapi ng Dawlah Islamiya Maguid at Hassan Group.
Sa halip na sumuko ng maayos, nagpaputok ang mga armadong grupo na hindi bababa sa sampu, base sa bilang ng tropa ng pamahalaan.
Dahil dito, gumanti ng putok ang pwersa ng gobyerno na nagtagal ng halos 20-minuto na bakbakan bago umatras at tumakas ang mga suspek.
Kinilala ang mga subject ng warrant of arrest na sina Jaffer Mariano, miyembro ng DI-Hassan group; Solaiman Nilong na may alyas na Pinuno at Solaiman na nahaharap sa kasong murder; Russel Mamo at Zaidee Jade Nilong alias Ali Boy Nilong, DI-Maguid member at nahaharap sa kasong Direct Assault with Attempted Murder; Tonto Akmad, Katendeg Mustapha, Candao Illa at Amir Aparudo lahat mga wanted sa batas at may kasong Robbery with Homicide, Banjo Tanto at ang kasama nitong si Candao Tantong Kabalo kapwa nahaharap sa kasong frustrated murder.
Agad namang sinaklolohan ng mga otoridad ang pitong mga bata at tatlong mga kababaihan na naiwan matapos na tumakas ang mga suspek.
Sa ginawang pagsisiyasat, nasabat ng pulisya at militar ang mga mga sumusunod: isang LMG, Caliber 7.62mm, M60; isang 5.56mm M16A1 rifle; isang Cal. 30 M1 Garand rifle; isang Grenade Launcher 40mm; isang Barrett Cal. 50 Sniper Rifle; mga magasin; tatlong commercial radio; isang bandolier at iba’t-ibang klase ng bala.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Major General Alex S. Rillera, pinuno ng 6ID at JTF-Central na hindi titigil ang kasundaluhan katuwang ang pulisya sa tungkulin at mandato nito na panatilihin ang kaayusan at katahimikan sa bahaging ito ng Mindanao. “Kung hindi natin sila nakuha ngayon, alam ko na sa mga susunod na araw ay mahuhuli din natin sila. Gayunpaman, malaking bagay itong pagkakasabat natin sa mga gamit sa karahasan.”
“Sa mga mamamayan ng Central at South Central Mindanao, asahan ninyo na ang inyong Joint Task Force Central ay hindi titigil sa pagtugon hinggil sa usaping panseguridad. Kami ay patuloy na magsisilbing tagapagtaguyod ng kapayapaan, seguridad, at pag-unlad ng ating komunidad”, dagdag pang pahayag ni Maj. Gen. Rillera.














