MATAPOS ang matagumpay na pangangalaga ng Philippine National Police sa sa katatapos na Traslacion 2025 kaugnay sa kapistahan ng Poon Hesus Nazareno ay pinaghahandaan naman ng kapulisan ang pagtiyak sa seguridad sa gaganaping Peace Rally ng Iglesia Ni Cristo sa darating na Lunes.
Kaugnay nito ay sinuspinde ng Malacañang ang pasok sa tanggapan ng gobyerno at paaralan sa lungsod ng Maynila at Pasay .
Kahapon ay naglabas ng Memorandum Circular 76 ang Malacañang na nagdeklarang walang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno at paaralan sa lahat ng antas sa mga siyudad ng Pasay at Maynila sa darating na Lunes, January 13.
Ito ay ginawa sa gitna ng nakatakdang peace rally ng Iglesia ni Cristo na inaasahang dadagsain ng mga miyembro nito mula sa iba’t- ibang bahagi ng Luzon.
Layunin umano ng gagawing pagtitipon ng maimpluwensiyang INC sa Quirino Grandstand sa Luneta na suportahan ang posisyon ni President Ferdinand Marcos, Jr. na huwag nang ituloy ang pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment procedure.
Batay sa inilabas na Memorandum Circular, No. 76 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ipinauubaya na ng Palasyo sa mga pribadong kumpanya kung susundan ang deklarasyon at isususpinde din ang pasok ng kanilang mga empleyado.
“However, those agencies whose functions involve the delivery of basic and health services, preparedness/response to disasters and calamities, and/or the performance of other vital services shall continue their operations and render the necessary services,” ayon sa inilabas na Circular
Kaugnay nito ay inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na magdedeploy sila ng full contingent ng pulis para siguraduhin ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng ilulunsad na National Peace Rally ng INC.
“Full contingent naman nakabantay sa kanila. They have the right to air their grievances, they have the right to assembly enshrined in the Constitution, so we have no problem with that,” ani Remulla.
Ayon kay Remulla, ang gagawing police deployment sa INC rally ay gaya din sa ibang mga major public events tulad ng nakalipas na Traslacion 2025.
“Of course, like all major [events], katulad kahapon (Huwebes) sa Traslacion, 1,700 policemen were deployed to ensure their protection, the same will be with this rally done this Monday. We’ll send a contingent to make sure that everything is orderly,” dagdag pa ng kalihim.
Samantala may ulat na makikiisa rin ang Kingdom of Jesus Christ na pinangungunahan ni Pastor Apollo Quiboloy sa National Rally for Peace ng INC sa Quirino Grandstand, sa Manila.
Sa isang pahayag mula sa KOJC, sinabi nilang kinikilala ni Quiboloy ang hakbang ng INC para ipunin ang milyong katao, kasama na ang iba pang mga grupo.
Hangad umano nila ang kaliwanagan sa isipan ng mga mamamayan para sa kapayapaan at kaayusan.