Matapos ang halos tatlong dekadang pagtaya sa lotto, isang lotto patron mula sa Quezon City ang pinalad na magwagi ng mahigit sa P107.5 milyong jackpot prize sa MegaLotto 6/45 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon sa PCSO, natamaan ng 50-anyos na residente mula sa Quezon City ang MegaLotto 6/45 na binola noong Nobyembre 6, 2023, na may premyong tumataginting na P107,506,074.20.
Nabili umano ng lucky winner ang kanyang lucky ticket mula sa isang lotto outlet sa Barangay Pinyahan, Quezon City.
Nitong Nobyembre 10, nagtungo ang lotto winner sa PCSO main office at kinubra ang kanyang premyo.
Mismong si PCSO General Manager Mel Robles naman ang nag-abot ng tseke ng lotto winner.
Kwento ng bagong lotto millionaire, ang tinamaang six-digit winning combination na 13-31-16-01-25-10, ay hango sa petsa ng kapanganakan ng kanyang mga kaanak.
Noong una ay duda umano siyang mananalo ng jackpot ngunit walang sawang tumataya ng lotto sa loob ng 28-taon na, dahil alam niyang nakakatulong siya sa PCSO na makalikom ng pondo para sa kawanggawa.
Plano umano niyang ilaan sa pagnenegosyo at savings ang kanyang napanalunan.
Kaugnay nito, muli rin namang hinikayat ni Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa kawanggawa.
Ang MegaLotto 6/45 ay binubola ng PCSO tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.