Sa gitna ng pagsubok ng tiwala ng publiko sa pamahalaan, hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Kongreso na unahin ang mga repormang matagal nang ipinaglalaban ng taumbayan gaya ng anti-dynasty bill, pagreporma sa party list system, paglikha ng Independent People’s Commission at mas malinaw na access ng publiko sa paggastos ng gobyerno.
Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ipinapakita ng mga hakbang na ito ang uri ng lideratong inuuna ang bayan bago ang pulitika at layon nitong ituwid ang mga kahinaang paulit ulit na nakikita sa ating pamahalaan at maglatag ng panibagong gobyerno na mas bukas, mas tapat at mas nakatuon sa mamamayan.
“Ang pagpaprayoridad sa mga repormang ito ay paanyaya sa publiko na maniwala muli. Ipinapakita nitong handa ang Pangulo na ayusin ang matagal nang dapat ayusin. Matagal nang isyu ang political dynasty sa Pilipinas. Madalas itong pinag-uusapan ngunit bihira itong umusad. Sa paglalagay nito sa pangunahing agenda, malinaw ang pahayag ng Pangulo: panahon nang tugunan ang mismong ugat ng hindi pagkakapantay-pantay sa politika,” ani Goitia na Chairman Emeritus ng apat na civic oriented organizations: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD),
People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI) at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, na pawang nagtataguyod ng katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino.
Aniya, “hindi nabubuo ang reporma kung walang tapang. Madaling umiwas, ngunit mas mahirap ang kumilos para sa bayan—at ito ang ginawa ng Pangulo. Kasama rin sa direktiba ang pagreporma sa party list system. Sa paglipas ng panahon, lumayo ang sistema sa intensyon nitong tulungan ang mga nasa laylayan.
Binigyang diin ni Goitia ang dapat na layunin nito: “Ang party list ay para sa mga sektor na tunay na nangangailangan, hindi para sa sinumang nakalusot lang sa sistema.”
Ayon pa sa kanya, ang pagkukumpuni sa sistemang ito ay mahalaga upang maibalik ang tiwala ng publiko at magkaroon ng mas patas na pulitika.
Binibigyang-diin din umano ng Pangulo ang kahalagahan ng transparency, lalo na sa paggastos ng gobyerno at hakbang umano ito tungo sa pamamahala na hindi lamang nakikita kundi nauunawaan ng publiko.
Diin ni Goitia: “Lumalaki ang tiwala kapag nakikita ng tao ang galaw ng pamahalaan. Hindi dapat misteryo ang serbisyong bayan. Sa kabila ng ingay at intriga, nanatiling nakatuon ang Pangulo sa matatag na pagpapatupad ng reporma. Hindi siya nagpasilaw sa politika. Tinulak niya ang pagbabagong pangmatagalan.”
Dagdag pa nito: “Hindi salita ang reporma. Ito ay direksyon at tapang. At iyon ang ipinakita ng Pangulo. Pagod na ang maraming Pilipino sa lumang takbo ng politika. Kaya ang panawagan ng Pangulo para sa reporma ay nagbubukas ng bagong yugto ng pag asa at pagkilos. Hindi ito basta pangako. Isa itong imbitasyon para sa buong pamahalaan at sa mamamayan na magtulungan.”
Pagtatapos pa ni Goitia: “Ang tunay na pamumuno ay hindi nasusukat sa kung gaano kadali ang sitwasyon. Nakikita ito sa tapang na harapin at ayusin ang mga problemang matagal nang pinabayaan. Sa pagtulak ng Pangulo sa mga repormang ito, malinaw ang kanyang malasakit sa bansa.”














