TINAWAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benjur Abalos ang mastermind sa Governor Roel Degamo asssination na isang “demonyo,” sa ginanap na press conference ng Task Force Degamo sa Kampo Crame kahapon.
Ayon kay SILG Abalos, dahil sa karumal-dumal na pagpatay kay Gov. Degamo at walong iba pa at ang pagkakakumpiska ng mga matataas na kalibre ng baril at mga pampasabog sa mga tahanan ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., ay malinaw na indikasyong may mga ilegal na aktibidad na ginagawa ang nagtatagong kongresista
Ito ay kasunod ng tuloy-tuloy na pagtunton at recovery ng Philippine National Police –Criminal Investigation and Detection Group ng umanoy mga high-powered firearms, mga bala, pampasabog at improvised explosive devices na itinatago ng mga Teves .
Nitong nakalipas na linggo ay nakadiskubre pa ang PNP-CIDG ng ibat- ibang uri ng armas, bala at hinihinalang pampasabog sa compound na pag-aari ni dating Negros Oriental Governor Pryde Teves.
Sinasabing itinuturo ng isang testigo si Teves na siya umanong nag-utos na ibaon sa lupa ang mga armas sa sugar mill na pag- aari ni dating governor Pryde Henry Teves, ang nakababatang kapatid ni Congressman Arnulfo Teves at nasa loob ng 50- hectare compound sa Barangay Caranoche, sa bayan ng Santa Catalina.
Una nang nadiskubre ng mga awtoridad ang ilang high-powered firearms, ammunition, at nasa P18,000,000 cash, ayon kay PNP-CIDG chief legal officer P/Col. Thomas Valmonte.
Dahil sa pagkaka-diskubre sa mga baril at pampasabog ay hindi na rin inaalis ng mga awtoridad ang anggulong terorismo dahil sa pag- iimbak ng mga baril , bala at pampasabog.
Kaugnay nitoay inihayag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na isasailalim sa cross-matching at ballistic examination ang mga nasamsam na baril at mga bala para matukoy kung ginamit na ang mga ito sa krimen.
Samantala, lalo pang nabaon ang mga Teves kasunod ng pahayag ng DOJ na tinutumbok ng imbestigasyon ang pagiging sangkot nila sa Degamo slay case.
“I think they’re considered—they’re being considered as masterminds but I don’t know yet. I have to get into the panel of prosecutors. But right now, the way it’s progressing, that’s the direction we’re heading,” ani Justice Sec. Crispin Remulla.
Nabatid na una nang sinabi ni DOJ Sec Remulla na nasa dalawa hanggang tatlong tao ang tinitingnan nilang utak sa likod ng Degamo assassination.
Nabatid na dinampot din ng mga awtoridad ang tatlong security personnel na may kaugnayan umano kay ex-Gov. Teves matapos na salakayin ang kanilang sugar mill.
“Well this is used for terrorism, used for assassination, to create havoc, to kill people, nakita niyang ginagawa niyan, and yung gumagawa nuon was part of the people arrested also, na kasama sa mga sumurrender,” ani Remulla. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)