MASTERMIND AT MOTIBO SA PAGPATAY KAY LAPID, ‘DI PA TUKOY

PATULOY na kinakalkal ng Lapid Special Investigation Task Group ang kakikilanlan ng sinasabing mastermind at motibo nito para ipalikida si Percy “Lapid” Mabasa ang hard hitting radio commentator.

Aminado ang mga awtoridad na sa gitna ng pagsuko ng alleged gunman na kinilalang si Joel Escorial ay hindi pa rin nila ganap na matukoy sa ngayon kung ano talaga ang totoong motibo sa pagpaslang sa mamamahayag na si Percy Lapid.


Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, gumugulong pa ang imbestigasyon hinggil dito ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at ng Special Investigation Task Group Lapid.

Kabilang sa hinahalukay ng mga imbestigador ang kakikilanlan ng umano’y utak sa kontrata para patayin sI Lapid na ayon sa sumukong suspek na nasa loob ng New Bilibid Prison

Ani Atty Abalos lubahang maaga para magbigay ng konklusyon hinggil sa tunay na motibo sa pamamaslang sa beteranong mamamahayag dahil kinakailangang evidence based umano ang lahat.


Kaya patuloy nilang hinihimay ang sinumpaang salaysay nang sumukong gunman na si Joel Escorial upang malaman kung sino sino ang mga taong involved.

Giit pa ni Abalos, maingat lamang ang kapulisan sa paglalabas ng pahayag hangga’t hindi pa tapos ang imbestigasyon para malaman talaga kung sino ang mastermind sa krimen at ang rason sa pagtumba kay Lapid.


Samantala naniniwala ang pamunuan ng Philippine National Police na madadakip din nila ang iba pang sangkot sa pagpatay sa radio commentator ng DWBL .

Ayon kay PNP Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., ito ay pangalanan ni Joel Escorial ang kanyang mga kasabwat na sina alyas Orly at ang magkapatid na sina Israel at Edmon Dimaculangan na kasalukuyan nang tinutugis ng PNP tracker teams.


Bukod dito ang ginagawang pagtukoy sa personalidad na nag-utos mismo kay Escorial para ipapatay si Lapid na pawang taga-bilibid.

Samantala sa isang panayam inihayag ni Special Investigation Task Group commander Police Col. Restituto Arcangel na patuloy ang ginagawa nilang background investigation kay Joel Escorial dahil wala umano silang nakitang criminal record nito.

“Based on our ongoing background investigation, so far, wala siyang criminal record,” ani Arcanghel sa isang interview. Ito ay sa likod ng pag amin ng suspek na napasama na siya sa ilang kahalintulad na trabaho.



Base sa salaysay nito , anim umano sila sa grupo kung saan binayarin sila ng P550,000 at ang P140,000 umano rito ay pumasok sa kanyang bank account.

Samantala inihayag ni Gen Azurin na inaasahan niya ang matagumpay na kaso laban sa mga salarin dahil sa masusing pangangalap ng ebidensya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Special Investigation Task Group Lapid upang matiyak na air tight ang isinampang kaso laban sa mga ito.

Ito’y sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga awtoridad sa pangunguna ng Bureau of Corrections na pinamumunuan ni Director General Gerard Bantag, Sec. Benhur Abalos ng Department of the Interior and Local Government, Sec. Crispin Remulla ng Department of Justice at ng PNP. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: Percy “Lapid” Mabasa

You May Also Like