MASBATE, NIYANIG NG MAGNITUDE 6.0 EARTHQUAKE; MGA PASYENTE SA OSPITAL, INILIKAS

KINAILANGANG ilikas nang mabilisan ang mga pasyente ng isang ospital sa Masbate nang simulan silang yanigin ng magnitude 6.0 earthquake kahapon ng umaga na sinundan ng mahigit 100 aftershocks.

Ayon sa Office of the Civil Defense (OCD), walang naitalang ‘major damages’ ang kanilang ahensya kasunod ng nangyaring magnitude 6.0 na lindol na tumama sa lalawigan ng Masbate.


Inihayag ni OCD spokesperson Raffy Alejandro IV na bagama’t nagkaroon ng interruption sa electrical supply sa buong lalawigan ng Masbate at Ticao Island ay wala pa naman aniyang napapaulat sa ngayon na malaking pinsala na idinulot ng nasabing lindol na unang inulat na umabot sa Intensity 7.

Dahil sa naturang lindol ay kinailangan ding ilipat ang mga pasyente ng Masbate Provincial Hospital sa mga tents bilang bahagi ng kanilang standard operating procedure.

Kaugnay nito ay wala namang naitalang nasaktan sa mga pasyente nang dahil sa naturang pangyayari.


Sa inisyal na damage assessment ay iniulat ang pagkasira ng Masbate -Magallanes Coliseum.

“As of now, wala pang sinu-submit ang mga local DRRMOs as to casualties and damage,” ani Masbate PDRRMO head Dr. Adonis Dilao “.


Kung maaalala, una nang sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na naganap ang lindol bandang alas-2:10 ng madaling araw sa layong sampung kilometro timog-kanluran ng bayan ng Batuan sa Masbate.

“Medyo malakas lalo na dito sa City of Masbate kasi pati ‘yung mga kawad ng kuryente gumagalaw, yumuyugyog. Pati ‘yung mga sasakyan na naka-park nayuyugyog talaga, ” ani Dilao .


Hanggang kahapon ng hapon ay umabot sa 135 ang naitalang pagyanig at nasa 49 naman ang plotted earthquakes habang 16 naman ang felt earthquake, 16 na may magnitude range na umaabot sa 1.5 hanggang 4.2. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)

Tags: Office of the Civil Defense (OCD)

You May Also Like