Nais ng bansang Germany na magkaroon ng kasunduan sa Pilipinas pagdating sa usapin ng seguridad at depensa.
Ito ay dahil nais nilang mapanatili ang seguridad at stability sa rehiyon para lumago pa ang economic activities.
Ayon kay German Federal Minister of Defense Boris Pistorius, ang seguridad ng isang rehiyon ay nakakaapekto sa iba pang rehiyon kung kaya’t dapat na ipagpatuloy ng Pilipinas at Germany ang pagtindig at pagtaguyod sa rules-based international order.
Dahil dito, bubuo aniya ng draft ng security agreement ang Germany at target nila itong selyuhan kasama ang Pilipinas bago matapos ang taon.
Nabatid na kapwa committed ang Pilipinas at Germany na tapusin ang pinalawak na defense cooperation arrangement sa pagitan ng dalawang bansa.
Nauna rito, nagpulong sina Defense Secretary Gilbert Gibo Teodoro at Pistorius sa Maynila nitong Linggo, kasabay ng 70th anniversary ng Philippines-Germany diplomatic relations.
“The top defense officials expressed their unwavering commitment to the revitalization of Philippines-Germany defense relations,”ayon sa joint statement.
Ang Germany ay isa umano sa “oldest formal defense partners” ng Pilipinas sa ilalim ng 1974 Administrative Agreement na may kinalaman sa pagsasanay ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Germany.
Nangako ang dalawang defense ministers na tatapusin ang pinalawak na Arrangement on Defense Cooperation na naglalayong palawigin ang saklaw ng kooperasyon o pagtutulungan sa iba’t- ibang larangan.
“To this end, the Ministers [Teodoro and Pistorius] are committed to establish long-term relations between the armed forces and specifically to expand training cooperation and bilateral exchanges,” ayon sa inilabas na magkasanib na pahayag ng dalawang bansa.














