MAS MABIGAT NA PARUSA SA GRAFT, BUDGET TRANSPARENCY AT REPORMA SA PAGPAPANAGOT SA TIWALING OPISYAL, NAIS NI SEN. ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

Sampung panukalang batas upang palakasin ang laban ng pamahalaan kontra korapsyon, isulong ang transparency, at tiyakin ang pananagutan ng mga lingkod-bayan ang inihain ni Senator Erwin Tulfo.

Una sa listahan ang Senate Bill 1359, na naglalayong taasan ang parusa sa kasong graft at corruption mula sa kasalukuyang 6–15 taon na pagkakakulong ay gagawing 12–20 taon.


“Sa pagpapataw ng mas mabigat na parusa, malinaw nating ipinapakita na ang pagtataksil taumbayan ay may mabigat na kaparusahan,” ani Tulfo.

Kasama rin sa nais repasuhin ni Tulfo ang Bank Secrecy Act, upang payagan ang hukuman o anumang investigative body na siyasatin ang bank transactions ng mga opisyal ng gobyerno.

Naghain rin siya ng sariling bersyon ng Freedom of Information (FOI) Bill o Senate Bill 1361, na nag-aatas na i-post online, nang hindi na kailangan ng request, ang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs) ng mga opisyal ng pambansang pamahalaan at mga kontratang nagkakahalaga ng hindi bababa sa ?50 milyon.


“Mahalaga ang transparency para sa isang matatag na demokrasya. Ang access sa tama at maaasahang impormasyon ay nagbibigay ng kapangyarihan sa mga Pilipino na makilahok sa pamamahala at papanagutin ang mga opisyal,” giit ni Tulfo.

Bilang suporta sa mas malawak na kampanya laban sa katiwalian, pormal ding naghayag ang Senador na maging co-author ng panukalang batas ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na naglalayong bumuo ng Independent People’s Commission upang magsiyasat ng anomalya sa mga proyekto ng pamahalaan.


Kaugnay ng imbestigasyon sa bilyon-bilyong pisong iregularidad sa flood control programs, naghain din si Tulfo ng panukala na magpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa mga kontratista, subkontratista, at mga opisyal ng pamahalaan na nakikipagsabwatan sa paglabag sa public works contracts at ang pagbawi ng kanilang lisensya.

Upang masiguro na walang makakatakas sa pananagutan, inihain ni Tulfo ang Senate Bill 1362 na magre-regulate sa biyahe sa ibang bansa ng mga opisyal ng gobyerno na nasasangkot sa mga imbestigasyon.


Ang mga lalabag ay papatawan ng parusang pagkatanggal sa serbisyo, habambuhay na diskuwalipikasyon, 6–12 taong pagkakakulong, at multang P500,000 hanggang P2 milyon.

Bilang permanenteng solusyon laban sa maling paggamit ng pondo para sa imprastruktura, inihain ni Tulfo ang Senate Bill 1360, na nag-aatas sa pagbuo ng 30-year Comprehensive Infrastructure Development Masterplan at sa pagtatatag ng Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Council.

Katuwang ng SB 1360, naghain din si Tulfo ng Senate Bill 1358 o ang Budget Modernization Bill upang ayusin ang proseso ng pagporma ng budget, palakasin ang fiscal sustainability, at paigtingin ang transparency at partisipasyon ng publiko sa pagbalangkas ng pondo.



Bukod dito, nais din solusyonan ni Tulfo ang hamon sa Commission on Elections (Comelec) na umaasa sa lokal na pamahalaan para sa field offices nito.

Aniya, ito’y maaaring magbukas ng pinto sa mga mapanganib na impluwensiyang politikal na posibleng makasira sa tiwala ng publiko sa halalan.

Panghuli, naghain siya ng resolusyon na nananawagan ng imbestigasyon sa mga kakulangan ng pagpapatupad ng Ease of Doing Business Act (RA 11302), matapos niyang mapag-alamang na nawawalan ng gana mamuhunan ang foreign investors sa bansa dahil sa paulit-ulit na problema sa pakikitungo sa mga ahensya ng pamahalaan.

Ani Tulfo, “sa pamamagitan ng mga repormang ito, inilalatag natin ang mas matibay na depensa laban sa korapsyon, pinapangalagaan ang yaman ng bayan, at sinisiguro na ang pamahalaan ay tunay na naglilingkod sa sambayanang Pilipino. Hindi po tayo natatapos sa paghahain lang ng mga panukalang ito, isusulong natin ito at sisiguruhing mai-implementa nang maayos.” (JERRY S. TAN)

Tags: Senator Erwin Tulfo

You May Also Like