Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na padadalhan nito ng show cause order (SCO) si Senador Rodante Marcoleta upang pagpaliwanagin hinggil sa hindi pagkakatugma ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) noong May 12, 2025 midterm polls.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang SCO ay ipapadala nila sa senador sa mga susunod na araw upang mabigyan siya ng pagkakataong magpaliwanag hinggil sa isyu: ”
Ayon pa kay Garcia, “Napakahirap kasi sa social media kasama na rin ang Comelec eh. Baka akala hindi kami umaaksiyon. Ang Comelec din, matingnan natin Talaga ‘yung mga dokumento.. para lang din sa katiwasayan ng lahat at para magkaroon ng complete transparency and accountability, gagawin po namin ‘yon. At asahan niyo po sa mga susunod na araw, maiisyu na po natin ‘yung SCO na ‘yan.”
Samantala, muli ring nanindigan si Garcia na walang exemption sa pagdedeklara ng donasyon o campaign contribution at ayon sa kanya, ang lahat ng donasyong natanggap ng isang kandidato ay dapat na ideklara at ilatag.
“As far as the Comelec is concerned, wala naman talagang exemption doon. Dapat, lalo pa ang mga donation o natanggap during the campaign period, dapat ‘yan idinedeklara lahat, ilalatag lahat. Ano pa ang purpose ng publication? Ano pa ang purpose ng pagsa-submit sa amin? Ano pa ang purpose ng panunumpa kung meron din lang naman tayong hindi ilalagay doon?” aniya.
Ani Garcia, hindi muna ang liability ang titingnan ng Comelec sa kalagayan ng senador kundi ang magiging paliwanag nito kung bakit hindi idineklara ang mga nagbigay ng kontribusyon sa kanyang kandidatura.
Aniya pa, titignan nila at babalansehin ang mga maipiprisintang ebidensiya sa hawak nilang mga dokumento at saka nila tutukuyin kung dapat ba silang maghain ng kaso o i-set aside na lamang ito kung wala naman talagang pinaggagalingang kaso ang naturang alingasngas.
Base sa SOCE ni Marcoleta, sinabi nito na wala siyang natanggap na anumang cash at in-kind contribution para sa kanyang kandidatura subalit nagdeklara ito ng P112,857,951.44 na expenditures o nagastos sa kanyang pangangampanya.
Naging kuwestiyonable umano ito dahil base sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng senador ay mayroon lamang siyang net worth na P51.9 milyon.
Kalaunan, inamin ng senador na may mga kaibigan siyang nag-donate ng pondo sa kanyang kampanya noong 2025 polls ngunit sinadyang hindi ideklara ang mga natanggap na campaign donations upang pagbigyan ang hiling ng kanyang mga donors na manatili silang anonymous.
Sinabi ni Garcia na sinumang kandidatong mapapatunayang nagdeklara ng maling impormasyon sa SOCE ay maaaring humarap sa parusa, kabilang ang pagkakakulong mula isa hanggang anim na taon, perjury, o falsification of public documents.














