IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Marbil na imbestigahan ang isyu ng diumano ay ‘reward system’ sa war on drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte, matapos na lumutang sa sinaganap na QuadComm hearing ang umano’y ‘Davao Templates.’
Bukod dito ay nanawagan din si Marbil sa mga dating PNP chief na linawin ang kanilang mga naging papel sa “war on drugs” sa nakalipas na administrasyon ni Pangulong Duterte.
Kaugnay na rin ito ng alegasyon ni retired Police Colonel Royina Garma, kung saan inihayag sa quad committee hearing ng Kamara na mayroong cash reward system sa hanay ng PNP para sa bawat mapapatay na drug suspects.
Kailangan umanong busisiin nang husto ang mga seryosong akusasyon ni Garma upang matiyak ang accountability at transparency sa organisasyon ayon pa kay Marbil.
Napag-alaman na bukod sa sinabing Davao model na umano’y siyang blueprint ng war on drug ng Duterte administration, inihayag din ni Garma na nagmistulang pugad umano ng war on drugs at reward system ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 11 sa Davao City na pinamumunuan noon ni retired Police Colonel Edilberto Leonardo.
Nakasaad ito sa sinumpaang salaysay ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager at retired Police Colonel Royina Garma na isinumite sa House Quad Committee.
Ayon kay Garma, bumuo noon si Leonardo ng isang grupo ng mga pinagkakatiwalaang operatiba upang maisagawa ang mga operasyon kaugnay sa giyera kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte.
Binanggit ni Garma na ang naturang grupo ay binubuo ng mga opisyal ng pulisya na sina Rommel Bactat, Rodel Cerbo, Michael Palma at Lester Berganio na pawang naatasang mangalap ng impormasyon tungkol sa mga hinihinalang sangkot sa droga.
Sila din ang gumagawa ng ulat tungkol sa mga pag-aresto at pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa illegal drugs na isinumite umano kay Leonardo, na siyang magpapasya sa “antas” ng operasyon at halaga ng “reward” na mula P20,000 hanggang P1 million.














