By: JANTZEN ALVIN
INARESTO ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Criminal Intelligence Division (CRID), Counter Terrorism Division (CTD), Counter Intelligence Division (CID) at Intelligence Research and Analysis Division (IRAD), si Marawi City Vice Mayor Anwar Romuros y Abedin,alyas Anouar Abedin Romuros Abdulrauf, dahil sa kasong murder at attempted murder.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na si Romuros, na gumagamit ngayon ng alyas na Anouar A. Abdulrauf, ay inaresto sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Caloocan City Regional Trial Court, sa loob ng Hall of Justice ng Marawi City matapos ang flagraising ceremony noong Disyembre 2, 2024.
Katuwang ng NBI ang Philippine Army (PA) 103rd Infantry Army, Task Force Marawi ng Marawi City at Task Force Oro of Cagayan De Oro City.
Ayon kay Santiago, ang kaso laban sa opisyal ay isinampa ng asawa ng pinaslang na biktima na si Latip Sultan.
Aniya, positibong kinilala ng testigong si Abdulraof Alim Dimaporo si Abdulrauf ,na akusado sa kaso.
Sinabi ni Santiago na ang pagpaslang ay ginawa sa biktima noong 2013 nang isilbi ang lehitimong search warrant sa paglabag sa RA 9165 (Dangerous Drugs Act) ng NBI CID-IS sa Tala, Caloocan City.
Pinagbabaril umano ng grupo, sa pangunguna ni Romuros, ang biktima na nagresulta sa pagkamatay nito at pagkasugat ng iba pa.
Napag-alaman na ang iba pang mga akusado sa nabanggit na kaso ay patuloy na nakalalaya at tinutugis ng NBI.
Diumano, ang suspek ay nagpalit ng pangalan at nanalo pa bilang bise-alkalde ng Marawi.














