Maraming butas ang script ng pagharap ng mga sinasabing ex-Marines sa ginanap na press conference nila kamakailan.
Una sa lahat, mahirap paniwalaan na ang isang politiko ay magpapa-deliver ng sandamakmak na pera sa mismong bahay niya, lalupa’t galing sa kuwestiyonableng source. Puwera na lang kung tanga siya o gusto talagang sumabit.
Marami pang isyu na nag-iiwan ng katanungan kung hihimayin ang kanilang mga sinabi. Hihiramin ko ang mga binanggit ni Atty. Princess Abante, anak ni Congressman Abante, na nag-post ng mga dahilan kung bakit mahirap paniwalaan ang mga pahayag ng mga nag-aakusang nagdala sila diumano ng male-maletang pera sa napakaraming pulitiko sa bansa.
Ayon kay Atty. Princess ukol sa sinabi nilang may P805 bilyong cash na dinala raw sa mga bahay-bahay gamit ang mga maleta.
Ayon umano mismo sa data ng BSP na na-quote sa media, ang P1 million sa tig-P1,000 na bill ay tumitimbang ng halos 1 kilo. So, kung P805 billion, bale 805,000 na tig-?1 million, ang ibig sabihin, umaabot ito ng 805,000 kilos o 805 metric tons ng pera.
Ani Atty. Princess, ang isang elepante ay nasa 5 tons. So, parang 160 elepante na puro tig-P1,000 bills. Tapos ang pinapakita, ilang maleta lang?
“Kung 805 tons ‘yan, hindi maleta ang kailangan — warehouse ang kailangan,” aniya.
Sa alegasyon na isang delivery, hanggang 52 suitcases, binalikan ni Atty. Princess ang unang kwento na ang isang maleta ay P48 million daw ang laman.
So, 52 maleta × P48M = P2.496 billion per delivery. Para umabot sa P805-B, bale P805-B ÷ P2.496-B = 323 deliveries o 323 biyahe.
At dahil umano sa kawalan ng signed affidavit, docket number o stamped copy, lumalabas na “plano pa lang” mag-file ng mga ito.
“Translation: Maniwala muna kayo, saka na namin aayusin ang papel. Sa korte, hindi pwede ang: “Promise po totoo.” Kailangan: notarized, signed, filed at may record. Kung P805 BILLION ang paratang, hindi ito tsismis level. Ito ay constitutional crisis level. Pero ang ebidensya? Presscon muna,” dagdag pa niya.
Sa panahon ngayon, madali ang magparatang kaya dapat ay maging mapanuri tayong mga publiko.
Ang pagsusubo ng isang kwento na imposible ay isang uri ng pang-iinsulto sa atin. Parang tingin nila mga wala tayong utak at lulunukin na lang lahat ng kwento nang di na mag-iisip pa.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














