POSITIBO ang pamunuan ng Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines at maging ang Philippine National Police (PNP) na malaki ang maitutulong ng pagkakaisa ng iba’t -ibang paksyon ng mga dating rebel groups para sa mapayapang Bangsamoro Autonomous region for Muslim Mindanao.
Tiwala rin ang mga government security force na malaki ang magiging epekto nito para makatiyak na magkakaroon ng mapayapang barangay at Sangguniang Kabataan election sa susunod na buwan sa mga lalawigan sa Mindanao.
Una nang nagpahayag ng kumpiyansa ang PNP sa pagkakaisa ng mga faction ng Moro National Liberation Front (MNLF) upang maging katuwang ng Pambansang Pulisya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa nalalapit na BSKE 2023 sa Oktubre.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, positibo silang magre-resulta ng maganda tungo sa kaayusan at pang-matagalang kapayapaan ang desisyon ng iba’t- ibang grupo ng MNLF sa pamumuno nina Nur Misuari, Muslimin Sema at Yusop Jikiri na magkaisa na para sa pagbuo ng Bangsamoro Government.
Una nang ipinahayag ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Senior Undersecretary Isidro Purisima na nagpupulong ang nagkakaisang paksyon ng MNLF gayundin ng MILF para buuin ang Bangsamoro Transition Authority.
Pinuri din ng Defense Department ang inilabas na pahayag ng Bangsamoro Islamic Armed Forces-Moro Islamic Liberation Front (BIAF-MILF) laban sa mga peace-spoiling activities ng kanilang mga kasapi.
Ayon kay DND Director Arsenio Andolong ,malugod na tinatanggap ng defense department ang inilabas na Memorandum No. 25-2023 na inisyu ni Sammy Al Mansoor, Chief of Staff of the Bangsamoro Islamic Armed Forces – Moro Islamic Liberation Front (BIAF-MILF), na tahasang nagbababala sa kanilang mga officers and members na huwag masasangkot sa mga aktibidad na nakakasira sa “peace and order at the expense of the civilian populace.”
“The memorandum, dated August 18, 2023, denounced the involvement in conflicts by its members arising from family feuds and/or political rivalries, and warned of automatic termination from the roster of the BIAF-MILF, if found guilty,” ayon sa DND .
Pagpapakita umano ito ng kagustuhan ng MILF leadership na mapatatag at mapanatili ang Bangsamoro peace process at mekanismong sumasaklaw dito .
“This move by the BIAF-MILF, likewise allows the security sector to stay on track in the implementation of peace and development programs, especially in Mindanao,” ani Director Andolong.