Nagpaabot ng paanyaya si Manila third district Congressman Atty. Joel Chua sa mga residente ng kanyang distrito na maari silang magtungo sa kanyang lingguhang “Attorney’s Day,” kung saan ay tinutulungan niya ang mga constituents sa kanilang problemang ligal at iba pa.
Napag-alamang kada linggo ay naglalaan si Chua ng isang buong araw sa kanyang district office para asikasuhin ang mga residente na nangangailangan ng payong ligal o pinakamainam na solusyon sa iba pang problema.
“Naglaan tayo ng masayang araw upang ang inyong lingkod ay magkaroon ng pagkakataon na makinig sa mga concerns ng ating mga ka-distrito, unawain ang kanilang mga idinudulog at maghatid ng agarang tulong at serbisyo,” ani Chua.
Sa mga nasabing araw, personal umanong pinakikinggan at tinutulungan ang mga lresidente na nangangailangan ng tamang gabay at payo lalo na sa mga isyung legal at maging sa mga personal na isyu.
“Kung may problema o pangangailangan, huwag po kayong mahiyang lumapit—nandito lang kami, handang makinig at umalalay,” dagdag pa ni Chua.
Bilang isang abogado, alam umano ni Chua kung gaano kahirap sa isang walang pera ang magkaroon ng problema ukol sa batas at makakuha ng libreng payo man lamang, dahil sa taas ng singilan.
Ang naturang programa ay inumpisahan ni Chua noong siya ay konsehal pa lamang sa Maynila na kumakatawan din sa third district.














