By: JANTZEN ALVIN
Nag-isyu na ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court laban sa pinatalsik na Negros Oriental Representative na si Arnolfo “Arnie” Teves, Jr. at iba pa, kaugnay sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sa anim na pahinang kautusan ng Manila RTC Branch 51, inisyu ang e-warrant of arrest laban kay Teves, Angelo Palagtiw, isang “Gie Ann” o “Jie An,” at Captain Lloyd Cruz Garcia II.
Naglabas rin ang Korte ng commitment order para sa paglilipat kay Nigel Electona mula sa Manila City Jail papunta sa Camp Bagong Diwa saTaguig.
Samantala,ini-reset ang arraignment at pre-trial conference sa Oktubre 4, 2023.
Nabatid na si Teves ay hindi pa bumabalik sa bansa at patuloy na itinatanggi na sangkot siya sa pagpaslang kay Degamo.
Samantala, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na liliham ang Department of Justice (DOJ) sa United Nations sa sandaling magpalabas na ng warrant of arrest kay Teves.
“… And that we are asking them to ask the member states of the UN to acknowledge their duty of rendition so to bring back Teves to the Philippines for trial,” dagdag ni Remulla.
Naniniwala si Remulla na pabalik-balik sa pagitan ng Timor-Leste si Teves matapos nitong humiling ng asylum sa Cambodia at Thailand.
Ang Anti-Terrorism Council ay binansagan nang terorista si Teves at 12 iba pa dahil sa serye ng patayan sa Negros Oriental.