NAGHAYAG ng mga regulasyon ang pamunuan ng Manila North Cemetery at Manila South Cemetery para sa nalalapit na Undas.
Napag-alaman na hanggang October27, 2025 lamang ang itinakdang huling araw para magsagawa ng paglilinis ng puntod ng mga yumaong mahal sa buhay na nakalibing sa dalawang pangunahing sementeryo sa bansa.
Sa MNC ay itinatayang aabot sa dalawang milyong Pilipino ang dadagsa para bisitahin ang kanilang mga lumisang mahal sa buhay ngayong Undas season dahil ito ang pinakamalaking sementryo sa bansa.
Mula Oktubre 29, 2025 hanggang Nobyembre 2,2025 sy bukas ang dalawang sementeryo mula alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi.
Ayon sa MNC, itinakda ang huling araw ng pagpapalilibing hanggang October 28 na lamang. Ito rin ang huling araw na papayagang makapasok ang mga sasakyan sa loob ng sementeryo.
Mahigpit ding ipagbabawal ang mga vendors sa bukana o entrada ng dalawang semeteryo para bigyang-daan ang inaasahang pagdagsa ng mga bibisita sa dalawang pangunahing sementeryo.
Maaari umanong gumamit ng locator ang mga dadalaw para malaman ang eksaktong lokasyon ng puntod ng yumao nilang mahal sa buhay na kanilang bibisitahin .
Gaya ng dati ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng deadly weapons, alak o anumang nakakalasing na inumin at mga bagay na nakakalikha ng ingay.














