MANILA ARCHDIOCESE, WALANG BALAK MAG-ENDORSO NG KANDIDATO

By: Carl Angelo

Wala umanong balak ang Archdiocese of Manila na mag-endorso ng sinumang pulitiko para sa nalalapit na 2025 midterm elections .

Ayon kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula,bahagi ng pagpapastol bilang arsobispo ang paggawad ng espirituwal na paggabay sa mga taong naghahangad maglingkod sa bayan.


“Ang pagtanggap ng Arsobispo ng Maynila sa mga bumibisitang kandidato sa kanyang tahanan ay hindi pag-e-endorso sa kanilang kandidatura. Bilang pastol ng simbahan, siya ay nakikinig at nagbibigay ng espirituwal na pagagbay sa mga nagnanais mamuno sa ating bayan,”paliwanag ni Cardinal Advincula.

Ipinaliwanag pa ni Cardinal Advincula na anumang larawang makikitang kasama ito ng ilang kandidato ay hindi nangangahulugan ng pagsang-ayon o pagkiling sa kanilang kandidatura at plataporma, kundi pagtanggap bilang ama ng arkidiyosesis.

Bukas umano ang Simbahan sa pagtanggap sa mga kandidato upang mapakinggan ang kanilang mga ninanais at hinahangad sa lipunan, na bahagi rin ng isang Simbahang sinodal na nakikilakbay sa nasasakupang kawan.


“Malaya ang sinumang humingi ng pagbabasbas ng mahal na arsobispo, at sa tamang pagkakataon, hindi ito ipagakakait sa sinumang magnanais nito,” dagdag pa ni Cardinal Advincula.


Tags: Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula

You May Also Like

Most Read