PATULOY ang isinasagawang manhunt operation ng mga tauhan ng Philippine National Police sa grupo na nagpanggap umanong mga pulis at nangho-holdup ng mga convenience store.
Ito ay matapos na maaresto ang dalawa sa anim na holdaper na kabilang sa anim na umano’y gumagamit ng uniporme ng pulis at nag-ooperate sa Central Luzon, Rizal at Metro Manila sa ikinasang hot pursuit operation ng pulisya sa Pampanga, matapos na pasukin ang isang 24/7 store sa Taytay Rizal .
Sa report kay Bulacan Police director PCOL. Relly Arnedo, ikinasa ang operasyon ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) kasama ang Plaridel police station station, Pampanga PIU at San Simon police kamakalawa ng umaga sa Barangay San Juan, San Simon Pampanga.
Dito nahuli ang dalawang suspek na may alyas Jam, 29 at Mar, 23 kapwa residente ng Brgy. Meysulao, Calumpit na kapawa tumangging may kinalaman sila sa kaso.
Ayon sa report, ang dalawang suspek ay sangkot sa panloloob sa 7-Eleven Convenience store sa Brgy. Tabang, Plaridel bandang alas-4 ng umaga nitong Hunyo 24, taong kasalukuyan.
Narekober sa operasyon ang green Honda CRV na may plakang ULB 777, apat na plaka, dalawang caliber 38, mga bala nito, apat na keypad cellphones, police patrol shirt, police bull cap, pair of GOA pants, reflectorized police vest, assorted groceries, P20,000 cash, cable tie plastic handcuffs, claw bar, sledgehammer at duct tape.
Sinasabing ang mga suspek ay sangkot sa serye ng robbery hold-up sa probinsya ng Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Rizal at Metro Manila.
Ayon kay PLt.Col. Gaylor Pagala, hepe ng Taytay police, nang-holdap sa isang convenience store sa Taytay ang mga suspek dakong alas-2 ng madaling-araw.
“Itong mga suspect ay sakay o lulan ng isang SUV, tinangay nila yung sales ng isang convenience store na more or less ay 500,000,” sabi ni Pagala.
Lumabas sa imbestigasyon na bago hinoldap ng mga suspek ang convenience store sa Taytay ay sinubukan pa umano nilang pumunta sa isa pang convenience store sa Antipolo.
Sinasabing pagkatapos nilang mangholdap sa convenience store sa Taytay ay dumayo sila agad sa Plaridel, Bulacan at nangholdap din ng isa pang convenience store ng alas-4 kwatro ng madaling-araw.
Agad nagkasa ng follow-up operation ang mga pulis para maaresto ang mga suspek.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong robbery-holdup at illegal possession of firearms and ammunition.














