MANHUNT KAY PASTOR QUIBOLOY, TULOY

By: Victor Baldemor Ruiz

TULOY-tuloy ang ginagawang law enforcement operation ng Philippine National Police laban sa puganteng lider ng Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy sa likod ng mga alegasyon hinggil sa pang-aabuso sa karapatang pantao kaugnay sa paghahalughog sa KOJC Compound.

Tuloy ang manhunt operation laban kay Pastor Quiboloy matapos na muling iginiit ni Interior Secretary Benhur Abalos na nasa KOJC compound pa rin sa Davao City ang kontrobersyal na televangelist na na wanted din sa United States Federal Bureau of Investigation.


Kinasuhan si Quiboloy ng isang federal grand jury sa US District Court para sa Central District of California, dahil sa pagsasabwatan na makisali sa sex trafficking sa pamamagitan ng puwersa, pandaraya at pamimilit; pagsasabwatan at bulk cash na tahasang itinanggi ng kampo ng appointed son of God.

“Ang intel report namin ay nandoon pa siya,” ani Abalos sa isang news forum sa Quezon City.

Naniniwala rin ang Philippine National Police na nasa loob pa rin ng compound si Quiboloy.


Ayon kay SILG Abalos, ang mga awtoridad ay “nakakuha ng magandang development sa ngayon” kaugnay sa paghahanap kay Quiboloy, subalit tumanggi namang ilantad ng kalihim ang mga detalye hinggil sa sinasabing development.

Samantala, inihayag naman ni Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary and spokesperson Mico Clavano: “Wala pang impormasyon na siya (Quiboloy) ay dumaan sa anumang proseso ng imigrasyon, kaya ipinapalagay namin na narito pa rin siya sa bansa.”


Magugunitang nag-isyu ng warrant of arrest laban kay Quiboloy at limang iba pa ang korte dahil sa umano’y mga paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, gayundin sa qualified human trafficking.

Nagtago si Quiboloy ilang sandali matapos maglabas ang Senado ng arrest order laban sa kanya dahil sa pagtanggi nitong dumalo sa mga pagdinig ng Kamara.


Tags: Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy

You May Also Like

Most Read

Latest News