Tuluyan nang inalis ng Department of Transportation (DOTr) ang kanilang ipinaiiral na mandatory face mask at physical distancing rules sa mga public utility vehicles (PUVs).
Ito’y kasunod na rin ng paglagda ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Proclamation No. 297 na nag-aalis ng COVID-19 state of public health emergency sa buong bansa.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, dahil sa naturang proklamasyon ng pangulo, inaalis na rin nila ang physical distancing protocols sa mga pampublikong transportasyon at ang lahat ng passenger vehicles ay maaari nang magpatuloy na mag-operate ng full capacity.
“This new development is a significant step towards normalizing public transportation and supporting economic recovery,” ayon pa sa kalihim.
Dagdag pa niya, “While public safety remains a top priority, the removal of protocols aims to facilitate commuters’ convenience, contribute to the revival of the transportation industry, and help stimulate economic activity.”
Sa kabila naman ng pagtatanggal ng kasalukuyang COVID-19 protocols, tiniyak ni Bautista na regular pa rin silang magsasagawa ng sanitasyon sa mga public transportation upang maiwasan ang anumang posibleng banta sa kalusugan ng mga mamamayan.














