By: JANTZEN ALVIN
Muling umani ng parangal ang Mandaluyong City Government matapos na gawaran ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ng certificate of commendation dahil na rin sa ipinapatupad nitong Electronic Business One-Stop Shop system o eBOSS system, bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-digitalize at pabilisin pa ang mga proseso ng pamahalaan.
Mismong si ARTA Director General Secretary Ernesto Perez ang nag-abot ng parangal kina Mandaluyong City Mayor Ben Abalos at Vice Mayor Menchie Abalos, sa kanyang pagdalo at pakikiisa sa Flag Raising Ceremony ng pamahalaang lungsod nitong Lunes.
Ayon kay Perez, isa ang Mandaluyong sa mga LGUs na kasalukuyang nakapagpapatupad ng eBOSS system.
Nabatid na sa ipinatutupad na eBOSS ay maaari nang kumuha ng business permit sa loob lamang ng isang oras.
Sinabi ni Perez na ang eBOSS system ay isang end-to-end process kung saan online na ginagawa ang pag-apply ng business permit, ang pagpasa ng requirements para dito, ang pagbayad ng fees, hanggang sa pag-print ng aktwal na business permit.
Sa kanyang panig, pinasalamatan naman ni Mayor Abalos ang ARTA at si Secretary Perez dahil sa ipinagkaloob na parangal sa pamahalaang lungsod.
Pagtiyak pa ni Mayor Abalos, patuloy na sisikapin ng pamahalaang lungsod na dagdagan pa ang pag-digitalize ng iba pang mga proseso ng lokal na pamahalaan.
Hinikayat rin naman ni Perez ang mga ibang pamahalaang lungsod na tularan ang Mandaluyong at magpatupad din ng sarili nilang eBOSS system dahil makatutulong ito sa pagtaas ng narerehistrong negosyo at nakokolektang buwis.
“The best way to fight red tape and corruption is to streamline and digitalize government processes and we are witnessing that in the City of Mandaluyong under the able leadership of Mayor Abalos,” dagdag ni Perez.