Nagsimula na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagi-imbestiga sa mga “death certificates” ng mga biktima ng drug war na hinihinalang iniba ang dahilan ng pagkamatay.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, matapos ang ipinalabas na ruling ng Court of Appeals (CA) na nag-atas sa Local Civil Registry ng Caloocan City na itama ang dahilan ng pagkamatay ng siyam na gulang na si Lenin Baylon, na tinamaan ng.ligaw na bala sa isang drug war operation ng mga pulis noong Disyembre 2016.
Nakalagay sa death certificate ng bata na siya ay nasawi dahil sa “bronchopneumonia” pero nakakita ng sapat na ebidensiya ang CA kabilang na ang deklarasyon ng medico-legal na ang bata ay nasawi sa shooting incident.
Naniniwala si Remulla na ang ibang death certificate ay pinalsipika na siya ngayong iniimbestigahan ng NBI.
“Siyempre ano ‘yan, falsification yan. We have cases actually na they are investigating now. We have 9 cases that we are investigating on wrongful death, inconsistent with death certificates with the actual cause of death after exhumation done by some of our friends from the forensic pathology field upon the request of the families of the victims,” ayon kay Remulla.
Pinag-aaralan na umano ng NBI ang mga nakuhang papeles at ang mga findings.
Kinumpirma ni Remulla na kabilang sa iniimbestigahan ang awtopsiya ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun.
“That’s the one. Nine cases yan. In-autopsy. Nakalagay natural cause of death pero actually may gunshot wounds. Nakita sa autopsy na kinonduct,” dagdag ni Remulla.
Napag-alaman na sa 46 bangka nay ineksamin ni Fortun, pito sa mga ito ang binaril at napatay pero.nakalagay sa kanilang death certificate na ‘natural death’ ang ikinamatay nila. (Philip Reyes)