MALING DPWH COORDINATES, BINATIKOS NI SEN. ERWIN TULFO; ISAHANG SISTEMA NG PAGPAPLANO, PAGMOMONITOR NG MGA PROYEKTO, ITINUTULAK

By: Jerry S. Tan

Itinutulak ni Senador Erwin Tulfo ang pagkakaroon ng pinag-isang sistema ng pagpaplano at pagmomonitor ng mga proyekto sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Iminungkahi ito ni Tulfo, na siya ding vice chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, matapos mabunyag na hindi wasto ang grid coordinates na ibingay ng DPWH mula sa Multi-Year Programming and Scheduling (MYPS) at Project and Contract Management Application (PCMA) na ginamit sa pagtukoy sa mga umano’y ghost flood control projects noong mga nagdaang taon.


“It seems po na hindi reliable ang MYPS coordinates. There are certain inconsistencies. Kasi po parang medyo magulo eh. Meron tayong MYPS, merong ika nga para sa PCMA. Ano ba talaga? Hindi ba pa pwedeng isa na lamang na coordinates?” tanong ni Tulfo.

“Kasi magulo ito—through MYPS, we identify the project. Through PCMA, we monitor the project. So, hindi ata tama na magkaiba ang coordinates sa MYPS at PCMA,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Tulfo na ang dalawang sistemang kasalukuyang ginagamit ng DPWH ay maaaring magbukas ng puwang para sa korapsyon.


“Habang may mga grey areas tayo na ganito, yung mga malilikot ang isip, nakakapag-isip ng how to make money because there’s a grey area. Dala-dalawa po yung ikang coordinates natin. Pero kung iisa lamang po ito, di wala hong kawala,” aniya.

Sinang-ayunan naman ito ni DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III at sinabi na nararapat lamang na iisa ang sistema ng pagpaplano at pagmomonitor para sa mga proyektong pang-imprastraktura.




“Sobrang agree po kami dyan. Tamang-tama po yung inyong sinabi. Kaya nga po meron po kami ang mga reporma ngayon to implement itong mga bagong systems, to improve the systems. In fact, meron nga po kami ng foreign assisted project to reform this application para nga po isa na lang ang coordinates na gamit po natin,” pahayag ni Bernabe.

Dagdag pa ng opisyal ng DPWH, maglulunsad din sila ng transparency portal at isusulong ang paggamit ng satellite imaging upang makatulong sa pagmomonitor ng mga proyekto at mabawasan ang human intervention.


Sa parehong pagdinig, hinimok ni Tulfo ang DPWH na pabilisin ang pagberipika ng listahan ng mga umano’y ghost flood control projects sa buong bansa kasabay ng mga pinakahuling kaganapan sa imbestigasyon.

“‘Yan po ang nirereklamo ng mga kababayan natin. Wala pong nahuhuli, wala pang nakukulong. Yun pala, may problema tayo… sa mga wrong coordinates kaya kailangan i-double check po natin,” pahayag pa ng Senador.

“Habang tumatagal po ito, magkakaroon ng duda yung mga tao na baka may tinatakpan tayo sa sobrang tagal. And I’m sure you’ve heard of the words or phrase that justice delayed is justice denied. Sa sobrang tagal po nito, ika nga, baka may mga ma-abswelto, magka-aregluhan dahil sa sobrang bagal ho,” dagdag pa niya.


Bilang tugon, sinabi ni Bernabe na malapit nang matapos ang pagberipika ng 421 na diumano’y ghost flood control projects.

Samantala, sinusugan ni Acting Justice Secretary Fredderick Vida ang panawagan ni Tulfo sa DPWH na ilabas ang beripikadong listahan ng mga flood control projects upang masimulan na ang pagbuo ng mga kaso laban sa iba pang sangkot sa isyu ng flood control.

Tags: Senador Erwin Tulfo

You May Also Like