NAGKASUNDO ang Philippine Army at United States Army na mas higit pang patatagin ang ugnayan at interoperability ng kanilang hukbong katihan, matapos ang ginawang bilateral meeting sa Army General Headquarters sa Fort Bonifacio.
Nag courtesy call ang Chief of Staff ng United States (U.S.) Army, Gen. James C. McConville kay Commanding General Philippine Army (CGPA) Lt. Gen. Romeo S. Brawner, Jr. para lalo pang palakasin ang kanilang army-to-army ties na sinundan ng isang bilateral meeting.
Kabilang sa napag-usapan sa pagpupulong ni Lt. Gen. Romeo Brawner, Jr. at United States Army Chief of Staff Gen. James C. McConville ang pagpapalakas ng kanilang ugnayan at interoperability.
Sa pagbisita ng Amerikanong Heneral sa Philippine Army Headquarters ay tiniyak ni Gen. McConville ang commitment ng Estados Unidos na makipagtulungan sa Pilipinas sa pagtataguyod ng isang bukas at malayang Indo-Pacific Region.
Kapwa naman nagpahayag ng kasiyahan ang dalawang heneral sa matagumpay na pagdaraos ng ika-8 SALAKNIB Joint exercise sa pagitan ng Phil. Army at US Army Pacific at ika-38 BALIKATAN Joint exercise sa pagitan ng AFP at US Military.
Bilang bahagi ng kanyang pagbisita sa bansa, una na ring nakipagpulong si Gen. McConville kay Department of National Defense Officer-in-Charge Senior Usec. Carlito G. Galvez Jr. at AFP Chief of Staff Gen. Andres C. Centino.
Sinundan ito ng wreath-laying ceremony bilang paggalang naman sa mga namatay na Filipino soldiers sa ‘Tomb of the Unknown Soldier (TUKS)’, Libingan ng mga Bayani, Fort Bonifacio, Metro Manila.