Ipinamalas ni Sen. Erwin Tulfo ang kanyang tunay na malasakit sa mga persons with disability o PWDs hindi lang sa salita kundi maging sa gawa.
Ito ay sa pamamagitan ng paghahain ng panukalang batas na naglalayong maging lifetime na ang validity ng Identification Cards (ID) ng mga PWD sa ilalim ng Senate Bill No. 1405 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 7277 o ang “Magna Carta for Persons with Disability,” kung saan ang pag-iisyu ng PWD IDs ay hindi lamang libre kundi magiging valid na din panghabambuhay.
Halos kasabay niyan ang paghahain ni Sen. Erwin, Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, ng Senate Resolution No. 186, kung saan inaatasan ang kaukulang komite na magsagawa ng oversight sa pagpapatupad ng Batas Pambansa Blg. 344 o ang “Accessibility Law” at Republic Act 7277 o “Magna Carta for Persons with Disabilities”.
Batid umano ni Sen. Erwin, na dati ring naging hepe ng Department of Social Welfare and Development, a ng kalbaryo ng mga Pilipinong PWD na sa tuwing mag-e-expire ang kanilang ID, kailangan nilang pumila ulit para kumuha ng mga bagong requirements, kailangan pa nila ng pera para sa pamasahe at kaiangan na naman nilang maglaan ng oras, enerhiya, at pera para lang makapag-renew ng kanilang ID, kahit na sila itong may kapansanan.
Dagdag na insulto umano ito sa PWD na nagpapakahirap dahil ang ID ay ginagamit nila upang makamit ang mga benepisyong ibinibigay sa kanila ng batas.
Ang paglalagay ng expiration date sa kanilang ID ay parang pagtanggi o pagpigil sa kanila na magkaroon ng access sa mga benepisyong nakapaloob sa “Magna Carta for Persons with Disability” gaya ng 20% discount sa mga bilihin at serbisyo, pantay na oportunidad sa trabaho at edukasyon, at iba pa.
Isinusulong din ni Senador Erwin ang pagrepaso ng mga batas para sa mga PWD sa pamamagitan ng isang resolusyon na sisiyasat sa mga batas para sa nasabing sektor.
Wala umanong saysay ng mga batas na ito na nagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga PWD kung ang mga pasilidad sa transportasyon at mga gusali ay kulang pa rin dahil ang ga PWD ay madalas na napipilitang umasa sa iba o isapanganib ang kanilang kaligtasan para lamang makagalaw.
Dapat aniya ay wala nang ibinibigay na building permit o aprubadong proyekto ng gobyerno para sa mga structural designs na kulang sa mga mandatory accessibility feature, sabay puna sa aniya ay talamak na kawalan ng maayos na pasilidad sa mga pampublikong imprastraktura.
“Nakikita natin sa balita at social media—mga footbridge na masyadong matarik kaya hindi ito magamit nang ligtas ng mga PWD. Kahit sa pampublikong transportasyon, karamihan sa mga disenyo ay hindi isinasaalang-alang ang pangangailangan ng PWD community. Paano natin aasahan na maabot ng ating mga PWD ang kanilang buong potensyal kung ang mismong sistema natin ay kontra sa kanila?” pagbibigay-diin ni Sen. Erwin.
Para kay Sen. Erwin, dapat umanong gumaan ang pasanin ng ating mga PWD na matagal nang naghihirap sa kanilang personal na laban. ‘Yan ang tunay na malasakit.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














