MALAKIHANG KILOS-PROTESTA, PINAGHAHANDAAN NG PNP

By: Victor Baldemor Ruiz

Halos ‘all systems go’ na ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang ginagawang security preparation para sa ikatlong State of the Nation Address (Sona) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa darating na Hulyo 22, 2024, bagama’t may inaasahan umanong mga adjustment sa inilalatag na security blanket kaugnay sa mga inaasahang paglulunsad ng ilang kilos-protesta lalo na sa hanay ng mga militanteng grupo.

Sa panayam ng media kay PNP Spokesperson Jean Fajardo, sinabi nitong inaasahan na nilang may magaganap na kilos-protesta, may igawad mang rally permits o wala.


“We will probably have minor adjustments in the coming days if ever that rally permits will be granted,” pahayag ni Fajardo.

Nabatid na sakaling magpatupad ng “no permit, no rally” policy ang mga lokal na pamahalaan at hindi sila payagan na magsagawa ng kilos-protesta partikular sa paligid ng Batasan Complex ay maaari nilang gawin ito sa Quezon Memorial Circle o sa University of the Philippines (UP).

Nilinaw ni Fajardo na ‘no rally zone’ ang Commonwealth Quezon City, ngunit pinapayagan ang mga nagpo-protesta hanggang sa Tandang Sora.


Samantala, nasa 22,000 naman aniya ang bilang ng mga pulis na ipakakalat para sa SONA bukod sa puwersang ilalaan naman ng Armed Forces of the Philippines.

Ipinaalala rin ni Fajardo na hindi papayagang magsunog ng effigy at huhulihin nila ang mga lalabag sa mga umiiral na batas.


Nakasaad sa Public Assembly Act of 1985 o Batasan Pambansa (BP) 880 na “the constitutional right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances is essential and vital to the strength and stability of the State.”

Sinasabi rin ng batas na kinakailangan ng permit para sa pagsasagawa ng kilos-protesta sa isang pampublikong lugar habang hindi naman rekisitos ang permit “if the public assembly shall be done or made in a freedom park duly established by law or ordinance or in private property, in which case only the consent of the owner or the one entitled to its legal possession is required, or in the campus of a government-owned and operated educational institution which shall be subject to the rules and regulations of said educational institution.”


Tags: Philippine National Police (PNP)

You May Also Like