Inilahad ni Senator Erwin Tulfo ang kanyang mga prayoridad sa MACHRA Balitaan news forum na isinagawa ng Manila City Hall Reporters' Association sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Maynila.

MAHIRAP, MAYSAKIT, BRGY WORKERS, MAG-AARAL, MIDDLE CLASS AT MEDIA WORKERS, PRAYORIDAD NI SEN. ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

Nakatakdang makinabang ang mga mahihirap,pasyente, estudyante,barangay workers, middle class at mga miyembro ng media sa mga panukalang batas na prayoridad na ihain ni incoming Senator Erwin Tulfo sa kanyang pag-upo sa Senado sa darating na Hunyo 30.

Ito ang inihayag ng Senador sa kanyang pagdalo sa ginanap na “MACHRA Balitaan” ng Manila City Hall Reporters’ Association (Machra) sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Maynila, kung saan sinabi nito na hihingin niya ang tulong ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) na dati niyang pinamumunuan at Commission on Higher Education (CHED) upang mapagkalooban ng emergency cash assistance. ang mga university students na galing probinsiya at senior high school.


Binanggit ni Tulfo ang sariling karanasan bilang mag-aaral na nagtungo sa Maynila galing probinsiya at alam umano niya ang problema pagdating sa kabiguan ng magulang na magpadala ng pera para bayaran ang dorm at sa mga biglaang gastusin o school contribution gaya ng field trip, mga projects o di kaya ay pamasahe pauwi kapag may emergency.

Bilang dating media ay aalamin rin umano ni Tulfo ang status ng magna carta for tri-media workers at mabigyan ng disenteng retirement pay, partikular na ang mga correspondents para mabigyan ng basic allowance o suweldo.

Isusulong rin umano ni Tulfo ang pagbabalik sa National Food Authority (NFA) ng kapangyarihang bumili ng mga palay at bigas at maibenta ang mga ito nang ayon sa kagustuhan ng mga magsasaka, sa pamamagitan ng government subsidy.


Kaugnay naman sa universal health care law, itutulak umano ni Tulfo ang pagpapalawak ng Philhealth coverage dahil may mga sakit umano na hindi kasama sa listahan na sakop ng coverage gaya ng ilang emergency situations. Aniya, dapat na sagutin ng PhilHealth ang 50% man lamang ng hospital bill ng mga pasyenteng miyembro nito at magkaroon sila ng pagkakataon na mabigyan ng private room sa mga ospital.

Samantala, tatrabahuin din umano ni Tulfo na maisama ang mga middle class at lower middle class sa bigayan ng ayuda mula sa gobyerno, dahil ang ayuda sa AICS, 4PS, TUPAD at AKAP ay para sa mga indigents o mahihirap lamang sa kasalukuyan.


Aniya, naumpisahan niya na ito nang siya ay nasa Kongreso, dahil ang pondong ginagamit sa ayuda ay mula sa mga buwis na ibinabayad ng mga nasa middle at lower middle classes.

Binanggit din ng Senador ang planong pagsusulong sa standardization ng basic salaries ng barangay at health workers, dahil sa.malaking diperensiya umano sa pagitan ng mga nasa Metro Manila kumpara sa mga nasa lalawigan, gayung pareho lang ang presyo ng mga bilihin sa mga nasabing lugar.


Nakakalungkot umanong malaman na P100 lamang kada buwan ang ibinibigay sa mga barangay tanod sa ilang probinsiya, dahilan upang pasukin nila ang pagiging kolektor ng STL o jueteng para lamang kumita ng extra.

Tags: Senator Erwin Tulfo

You May Also Like