Aabot sa kabuuang P2,093,720 halaga ng illegal na droga ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs at NAIA PDEA-IADITG mula sa isang outbound parcel sa isang warehouse sa DHL sa NAIA complex sa lungsod ng Pasay.
Unang nasabat ng mga operatiba ang parcel na idineklarang ‘documents – general business’ na padala ng isang residente ng 296 Arandia St. Tunasan, Muntinlupa na naka-consign kay Alagua Amado, Jr. ng Arcadia 79 Rome, Italy, kung saan nakapalaman sa isang makapal na logbook ang 20 pirasong plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu at may halagang P680,000.
Samantala, isa pang outbound parcel ang naharang din ng Customs at NAIA-PDEA na padala naman ng isang residente ng Molino 3 Bacoor, Cavite na naka-consign naman kay Cui Lin Bo ng Koror Palau, Fuji B Restaurant na idineklara namang kitchen wall stickers. Ito ay naglalaman din ng itinatayang 207.9 grams na hinihinalang shabu na may standard drug price na aabot sa P1,413,720.
Sa ngayon, naiturn-over na ng Customs ang mga nasamsam na droga sa NAIA PDEA-IADITG para sa tamang dokumentasyon at disposition.














