Aabot sa mahigit P1.8 million halaga ng kush o marijuana mula California, USA, ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs at NAIA-PDEA-IADITG mula sa anim na parcel sa Central Mail exchange center (CMEC) sa Domestic Road sa Pasay City.
Ang magkahiwalay na parcel na naharang ay pawang mga abandonado, na idineklarang sweatshirt, graphic tee, custom puzzle set at sweaters at naka- consign sa anim na indibidwal na nakatira sa Laguna, Cavite at Pampanga.
Nadiskubre ang laman ng parcel nang idaan ang mga ito sa x-ray machine kung saan isiningit ang transparent plastic sachet na naglalaman ng kush o pinatuyong dahon ng marijuana, na may bigat na 1,307 grams at may street value na aabot sa P1,829,000 ang halaga nito.
Bagamat tukoy na ng mga awtoridad ang pagkakilanlan ng mga sender at consignee ng mga naturang parcel, patuloy pa ring nagsasagawa ng follow-up investigation kung sino-sino ang mga sangkot sa pagpupuslit ng iligal na droga papasok sa bansa.