Aabot sa mahigit P1.5 milyong halaga ng illegal na droga ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs at NAIA PDEA-IADITG mula sa apat na abandonadong parcel sa Central Mail Exchange (CMEC) sa Domestic road sa Pasay City.
Unang naharang ng Customs ang parcel na padala ng Abdul Jakul Sextoy Company mula Canada na naka-consign kay JC Sarmiento ng San Mateo Rizal at idineklang sextoy tumbler kung saan nakalagay ang 116 grams na marijuana kush.
Ang pangalawang parcel na idineklang Cushion Repair Kit na padala ng EOS Upholstery ng South El Monte California at naka-consign kay Tina Tungpalan ng Ilocos Norte ay naglalaman naman ng 225 grams ng marijuana kush at walong Vape Cartridges liquid marijuana.
Ang pangatlong parcel na naharang na idineklang Nintendo Game/Playstation Game na Padala ni Cocoy Ortaleza ng San Francisco na naka-consign naman kay Andy Ortaleza ng Angeles City Pampanga ay nakitaan naman ng 114 grams ng hinihinalang shabu.
Ang huling parcel ay idineklang merchandise na padala ni Carson Lawrence ng Fallon Missouri sa America at naka-consign naman kay Mark Truzan ng Leveriza St., Pasay City, kung saan nakalagay ang 26 vape cartridges liquid marijuana, 12 grams na Kush, at 32 grams na kush o high-grade marijuana.
Lahat ng mga nasabat na illegal drugs na may kabuuang halaga na aabot sa P1,594,220 million ay naiturn-over na ng NAIA Custom sa NAIA PDEA-IADITG para sa karagdagang imbestigasyon at tamang disposition.














