Umaabot sa mahigit 4.2 milyong rehistradong botante ang aalisin ng Commission on Elections (Comelec) sa voter’s list at inaasahang hindi na makakaboto sa susunod na halalan.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na hanggang nitong Mayo 16, 2023, kabuuang 4,239,483 ang bilang ng mga botante na ide-deactivate nila dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Ang naturang bilang ay ibabawas aniya mula sa kabuuang 68 milyong registered voters sa bansa.
“4.2M voters will be deactivated. Hence deductible to the present total no. of voters of 68M,” ayon kay Garcia.
Sa datos na inilabas ni Garcia, nabatid na 4,237,054 ang idi-deactivate dahil sa pagkabigong makaboto sa dalawang magkasunod na halalan.
Nasa 1,829 naman ang aalisin sa listahan base sa kautusan nh hukuman habang nasa 595 ang dahil sa kabiguang ma-validate.
May tatlong botante naman ang tatanggalin dahil sa pagkawala ng Filipino citizenship at dalawa ang inalis bunsod nany napatawan ng pinal na sentensiya ng hukuman.
Napag-alaman na pinakamaraming voters ang idi-deactivate sa Region 4A (Calabarzon) na nasa 733,903 at sa Region 3 (Central Luzon) na nasa 503,297 ang kabuuang bilang.