UMABOT na sa 130,488 na menor de edad ang fully-vaccinated na ngayon laban sa COVID-19 sa Maynila.
Ito ang inianunsiyo ni Aksiyon Demokratiko presidential candidate at Manila Mayor Isko Moreno nitong Miyerkules, kasabay nang paghikayat sa mga magulang at mga guardians na pabakunahan na ang kanilang mga anak at alaga upang maproteksiyunan laban sa COVID-19, sa lalong madaling panahon.
Base sa ulat mula kay Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang in-charge sa health cluster at mass vaccination program sa lungsod, sinabi ni Moreno na ang total administered doses para sa general population ng minors ay umabot na sa 273,012 hanggang noon lamang Pebrero 21.
Samantala, ang bilang naman ng mga batang edad 5-11 taong gulang na nabigyan ng unang dose ng bakuna ay nasa 14,778 na.
Sinabi pa ng alkalde na ang vaccination sites sa lungsod ay tumatanggap pa rin ng walk-in para sa A1 to A5 priority groups, na kinabibilangan ng mga health frontliners, senior citizens, persons with comorbidities at iba pang menor de edad na kabilang sa general population category.
Ang mga walk-in individuals ay maaari aniyang mag-avail ng first at second dose ng bakuna, gayundin din booster shots sa may 44 health centers, apat na shopping malls at anim na community sites.
Sinabi pa ng alkalde na tuluy-tuloy rin ang pagbabakuna sa mga minors sa Manila Zoo at Bagong Ospital ng Maynila, gayundin sa apat na shopping malls at anim na community sites sa lungsod.
“Para po sa ating mga minors, dalhin lamang po ang inyong Birth certificate/Baptismal/School ID/PWD ID/ or any valid ID. Para po sa may mga may comorbidity, magdala po ng medical certificate signed by your doctor. Mayroon rin pong consent at assent form na kailangan pirmahan na siya naman pong ipamimigay sa ating mga vaccination sites,” ani Moreno.
Kaugnay nito, pinaalalahanan naman ni Lacuna ang mga magulang at mga guardian na isang companion lamang ang pinapayagan sa bawat menor de edad upang maiwasan ang kumpulan o crowding.
Ang kasama ng batang magpapabakuna ay dapat aniyang immediate relative nito at may dalang balidong ID upang ipakita ang relasyon nito sa menor de edad.
Mahigpit rin ang paalala nina Moreno at Lacuna sa mga magtutungo sa vaccination sites na tumalima sa lahat ng health protocols. (Philip Reyes)