UMAABOT sa mahigit 1,000 katao ang sumugod sa tanggapan ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) na umaasa umanong makakakolekta ng tig-P1 milyon mula sa nag-“mature ” na account ,kahapon ng umaga sa kanto ng Mabini at P.Ocampo Street sa Malate, Maynila.
Napag-alaman na alas-8:40 ng umaga nang dumating at pumila ang mahigit 1,000 indibiduwal sa Gate 3 ng BSP. Sila ay mula sa.Region 1,Region 2 at Region 4A at kaya sila nagtungo sa BSP ay dahil inaasahan umano nilang ilalabas sa nasabing araw ang trilyong halaga ng pera na nakatago sa BSP para ipamahagi sa taumbayan.
Ayon kay Nobel Gilbert Langres, tagapagsalita ng grupo, ang pera ay ipinatago sa BSP noon pang 1987 at nag-matured na umano ang mga account na inisyu sa isang ‘Danilo’ noong 2005 kaya nararapat na ibalik na ito sa taumbayan.
Ani Langres, may karapatan sa naturang pera ang mamamayan alinsunod sa Konstitusyon.
Pinakiusapan naman ng mga kinatawan ng BSP at Manila Police District (MPD) ang mga tao na magsiuwi na at nangako na ipapaabot nila sa mga opisyal ng BS, ang dala nilang sulat.
Kusang umalis ang grupo pasado alas-2 ng hapon at napag-alaman na karamihan sa sumamang claimant ay nangutang pa ng pera para pag-arkila ng sasakyan papuntang BSP.
Samantala, itinanggi ng grupo na sila ay nagsasagawa ng kilos- protesta dahil sila umano ay mga claimant ng pera ng taumbayan.