MAGUINDANAO MASSACRE, DI DAPAT MAULIT; MIDTERM ELECTION TUTUTUKAN NG PNP, AFP

By: Victor Baldemor Ruiz

SA pagsikad ng election fever kaugnay sa gaganaping 2025 Midterm election ay mahigpit ang naging tagubilin ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na tutukan ang mga hinihinalang private armed groups na posibleng magamit sa paghahasik ng karahasan sa nalalapit na eleksyon.

Kahapon ay nagsimula na ang paghahain ng mga certificate of candidacy (COC) na magtatapos sa Oktubre 8, 2025, hudyat na simula na ng maigting na political activities sa bansa .

Mahigpit ang tagubilin ni Gen. Marbil na tutukan ang mga PAGS na maaaring gamitin ng mga politiko sa paghahasik ng takot sa hanay ng mga botante at kaguluhan sa kani-kanilang lalawigan.


Samantala, sinabi ni Fajardo na bagama’t nananatiling nasa normal alert status ang PNP sa pagsisimula ng paghahain ng COCs ay binigyang- laya pa rin nila ang mga police commander na itaas ang alert level sa kanilang nasasakupan kung kinakailangan.

Ayon kay PNP Spokesperson Col Jean Fajardo, maaaring maging mainit ang gaganaping midterm elections lalo na’t posibleng magkakakilala o magka-kamaganak ang maglalaban-laban sa halalan.

“We are deploying around 36,000 (policemen) distributed nationwide,” ani Fajardo.

Una nang inihayag ng PNP na hindi nila nais na maulit ang malagim na 2009 Maguindanao massacre na ikinasawi ng may 60 katao na karamihan ay mga kasapi pa ng media.


Magugunita na ang mga biktima ay kasama sa isang convoy kabilang ang mga kasapi ng angkan ng Mangudadatu nang sila ay hinarang ng grupo naman ng mga Ampatuan, habang patungo sa lokal na tanggapan ng COMELEC para maghain ng kanilang COC. Pinagpapatay at ibinaon ang mga biktima gamit ang inihandang backhoe.

“That incident transpired during the filing of candidacy, their convoy was ambushed. That is what our chief PNP wants to prevent,” mariing pahayag ni Col Fajardo.

Ito umano ang dahilan kaya maglalagay ang PNP ng mga border control at mas paiigtingin ang checkpoint operations para matiyak na walang sinumang magpapagala-gala na may bitbit na armas.

Nakikiusap din ang pamahalaan sa mga kandidato at kani kanilang mga supporters na magtiwala sa electoral process at umiwas na gumamit ng dahas.


“The PNP, in coordination with the AFP (Armed Forces of the Philippines) and PCG (Philippine Coast Guard), will ensure that the elections next year will be peaceful, orderly and clean,”ani Fajardo.

Tags: Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil

You May Also Like

Most Read